KASALUKUYANG pumapalo sa mahigit apat na libo na ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa bunsod ng patuloy na pagdami nang nagkakasakit kaya’t minabuti ng pamahalaan na mas pahabain ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) na sa halip na matapos ngayong ika-14 ng Abril ay ginawang hanggang katapusan ng buwan.
Sa gitna nang pag-ulan ng kabi-kabilang tulong para sa ating mga dakilang frontliner ay nagpahatid din ng mabuting balita ang Philhealth ukol sa gastos sa pagpapagamot ng mga mayroong COVID-19 kung saan ayon sa ahensya ay sasagutin nila ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ng mga pasyente hanggang sa ika-14 ng Abril.
Noong i-anunsyo nila ang ukol sa pagsagot ng kabuuang gastos ng mga pasyente ay wala pang naihahandang ‘package’ o ‘case rate’ ang ahensya dahil sa bago lang kasi ang sakit na COVID-19.
Sa pagsapit ng ika-15 ng Abril ay maipapatupad na nito ang mga itinakdang halaga ng coverage na naaayon sa kalagayan ng pasyente. Ang mga may mild pneumonia ay may coverage na P43,997; ang may moderate pneumonia naman ay P143,267; ang severe pneumonia ay P333,519; at ang critical pneumonia ay P786,384.
Naglaan ng budget na nagkakahalagang P30 bilyon ang PhilHealth para sa mga serbisyong medikal na kakailanganin ng mga nagkasakit ng COVID-19.
Ayon sa pahayag ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales, nasa P6 bilyon na ang kanilang nagagastos kung saan ang pinakamataas na gastos na naitala sa kasalukuyan para sa isang pasyenteng nagkasakit ng COVID-19 ay umabot sa P3.2 milyon.
Ang mga nagpagamot na nakapagbayad na ay maaaring mag-reimburse sa PhilHealth basta’t magpakita ng dokumentong nagpapatunay na ang pasyente ay ginamot dahil sa sakit na COVID-19. Napakalaking tulong ng hakbang na ito ng PhilHealth lalo na para sa mga walang sapat na budget para makapagbayad ng kinakailangang serbisyong medikal.
Pansamantala ring ihinihinto ng PhilHealth ang pagpapatupad ng polisiya nito ukol sa kwalipikasyon ng mga miyembrong maaaring makakuha ng benepisyo mula sa ahensya.
Sinabi ni Morales, kahit ang mga miyembro ng PhilHealth na hindi kumpleto ang bayad sa kontribusyon ay maaaring makakuha ng tulong pinansyal mula sa ahensya.
“Saka na tayo magbilangan. Ang importante mabigyan muna ng tulong,” ang mismong pahayag ni Morales ukol sa usaping ito.
Napakahalagang mabigyang ng serbisyong medikal ang sino mang nangangailangan – may kapasidad mang magbayad o wala, dahil ang pera ay maaaring palitan, maaaring kitain muli ngunit ang buhay kapag nawala, ay hinding hindi na maibabalik pa.
Nakakagaan sa pakiramdam malaman na lahat ng dinapuan ng sakit na COVID-19 ay matutulungan ng ating pamahalaan. Hindi man tayo kasing yaman ng ibang bansa ay hindi naman natin pinababayaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa. Pagkatapos ng dagok na ito, ako’y naniniwala na ang lahat ay magkakaisa upang ibangong muli ang Pilipinas. JOE ZALDARRIAGA
168
