NAIS nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senator Panfilo “Ping” Lacson na busisiin ng Senado ang status ng national ID system.
Ang kabiguan ng implementasyon ng National ID system ang isa sa sinisisi ng dalawang senador sa delay sa pagpapalabas ng cash aid sa 18 milyong pamilya na apektado ng enhanced community quarantine dahil sa COVID 19.
Inihain nina Sotto at Lacson ang Senate Resolution 352 para sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa pagbabalik sesyon ng Senado.
Ipinaalala ng mga ito na 2018 pa nang maisabatas ang National ID system subalit hindi pa rin naisasakatuparan ang implementasyon nito sa kabila ng paglalaan ng pondo.
“From 2018 to 2020 General Appropriations Act, a budget of Php 2 Billion has been allotted for the National ID System every year – totaling to only Php 6,096,329,000 budget allocation for three (3) years,” saad sa resolusyon.
Nakasaad sa resolusyon na September 2, 2019 lamang nagsimula ang pilot testing para sa programa ng Philippine Statistics Authority.
Una nang iginiit ni Sotto na malaking tulong ang National ID system upang maisaayos ang hindi tugmang databases ng national government at ng local government units (LGUs) para sa benepisyaryo ng COVID-19 emergency subsidy program. DANG SAMSON- GARCIA
162 