MAGKAKAROON ng sapat na pondo ang gobyerno na panlaban sa coronavirus disease 2019 at pantulong sa mga apektadong mamamayan kung hindi muna ito magbabayad ng utang ngayong taon.
Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, kailangang sumabay ang Pilipinas sa panawagan ng mga bansa sa buong mundo lalo na ang mga developing countries na suspendehin muna ang pagbabayad ng utang upang may magamit sa paglaban sa COVID-19.
Nabatid kay Castro, lalong umingay ang panawagan matapos ipanukala ng United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD) na ipagpaliban muna ang pagbabayad ng utang dahil lalong babagsak ang developing countries kapag pinagbayad ang mga ito ng kanilang utang pagkatapos ng pandemic.
“Mainam na ipagpaliban muna natin ang pagbabayad ng utang panlabas para magamit ang anomang rekurso natin para sa COVID-19 response,” ani Castro.
Sinabi ng mambabatas na kung ipagpaliban muna ng Pilipinas ang pagbabayad ng utang ngayong taon, mahigit P1 Trillion ang matitipid ng gobyerno na sapat na aniya sa kampanya laban sa COVID-19.
Bukod dito, magagamit din umano ang nasabing halaga para maibangon ang ekonomiya ng bansa pagkatapos ng COVID-19 pandemic, matulungan ang mga manggagawa at maliliit na negosyante.
Sa P4.1 Trillion budget ng gobyerno ngayong 2020; P451 Billion dito ay inilaan para sa pambayad ng interes ng utang ng bansa habang P582 billion naman para sa principal (inutang).
“Sinasabi ng economic managers ng administrasyon na may ‘good credit standing’ ang bansa at masisira raw ito kung manghihingi tayo ng debt moratorium,” ani Castro, lalo na sa World Bank, International Monetary Fund (IMF) at iba pang private creditor na pinagkautangan ng gobyerno na umaabot na sa P8.1 Trillion. BERNARD TAGUINOD
208 