2 ARMED MEN NAPATAY SA LAGUNA

NAPATAY ang dalawa habang sugatan ang isa pang miyembro umano ng kilabot na drug and robbery group sa Sitio Majada-In Housing, Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna, Sabado ng hapon.
Sa ulat kay Acting Laguna Provincial Director PCol. Serafin Petalio II ni PMaj.

Ryan Jay Orapa ng Provincial Investigation Branch (PIB), kasama ang Drug Enforcement Unit Team ng Calamba City, napatay sa buy-bust operation ang mga suspek na sakay ng puting Honda Civic Sedan na may plate No. ADR 881 na natukoy na sina Marlon Fajardo, alyas Badong, 35-anyos at Roberto Luis Amador, 28, habang sugatan si Maximo de Luna, 46-anyos, pawang mga residente ng naturang lugar.

Konektado umano ang mga suspek sa “Barok” Fajardo Drug and Robbery Holdup Group na nasa likod ng mga nakawan sa Calamba at ilang kalapit na lugar.

Nakumpiska sa mga suspek ang 28 gramong shabu na tinatayang halagang P700,000 na nasa 3 small and large transparent plastic sachet, cal.38 revolver, 9mm cal., mobile phone at paraphernalias.

Lumipat umano ang grupo sa operasyon ng droga matapos maisyuhan ng warrant of arrest sa kasong robbery holdup.

Itinuturing na High Value Target ang grupo dahil sa malawakang pagbebenta at pagsu-supply ng droga na umaabot sa halos 150-300 gramo ng shabu sa loob lamang ng isang Linggo. CYRILL QUILO

219

Related posts

Leave a Comment