HINDI nakalusot ang tinatayang P9K halaga ng alak na tangkang ipuslit ng 32-anyos na office staff nang masilip ito sa loob ng minamaneho niyang sasakyan nang dumaan sa checkpoint sa Bacoor City, Cavite.
Kasong paglabag sa Provincial Ordinance 271-2020 (Liquor Ban) at RA 11469 (Bayanihan to Heal as One Act) ang isinampa laban sa suspek na si Royce Carl Catimbuhan, binata, ng RCVI Manpower Services.
Sa ulat ni Patrolman Fidel Querijero ng Bacoor City Police Station, nagsasagawa ng checkpoint ang mga operatiba ng Cavite Provincial Mobile Force Company (CPMFC)
dakong alas-5:10 ng hapon sa Coastal Road, Longos, Brgy. Zapote 5, Bacoor nang parahin ng minamanehong Suzuki APV van na may plakang PIM 407 ng suspek.
Pero habang biniberipika ang quarantine pass ng driver ay nasilip sa loob ng kanyang sasakyan ang ilang bote ng alak na may kabuuang halaga na P9,444.
Ayon sa suspek, binili niya umano ang mga alak para i-stock sa kanilang bahay na bagamat may resibo ay pinagdudahan ng pulisya. SIGFRED ADSUARA
560 