RADAR GUN NG TSINA, ITINUTOK SA PH NAVY Sec. Lorenzana kinastigo ng solons

DISMAYADO ang ilang kongresista kay Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil mistulang pinaboran pa nito ang China kaysa sa Philippine Navy (PN) na tinutukan ng Chinese warship ng radar gun sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, mistulang pinangunahan ni Lorenzana ang imbestigasyon nang sabihin nito na walang intensyon ang China na saktan ang PN kundi sinusubukan lang ang reaksyon ng Pilipinas.

“Pinapangunahan ni Defense Sec. Lorenzana ang imbestigasyon sa pagtutok ng radar gun ng Chinese ship sa ating Navy sa agarang pagdepensa nito sa intensyon umano ng Tsina. Para itong manghuhula na pabor sa Beijing gayong meron na ngang diplomatic protest na naisampa dahil sa posibleng paglabag na nagawa,” ani Brosas.

“Hindi dapat maging bulag at bingi ang sandatahan ng Pilipinas sa ganitong lantaran na pagyurak sa sovereign rights ng bansa. Masusing imbestigasyon ang kailangan at hindi pagwalang bahala at panghuhula,” dagdag pa nito.

 

SA SUSUNOD, PAPUPUTUKAN NA

 

Hindi naman naniniwala si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na nanunubok lang ang China dahil noong una ay verbal lang umano ang kanilang pananakot subalit ngayon ay tinutukan na nila ang mga claimant ng radar gun.

“Pinaputok man o hindi pa ang radar gun nila, malinaw ang sadya o intension ng China: i-bully pa at takutin ang PN at ang maliliit na bansang katulad ng Pilipinas na claimants sa WPS. Noong mga nakaraang panahon, verbal na pananakot lang ang ginawa nila, nitong nakaraan nakatutok na ang mga baril nila,” ani Zarate.

Kung patuloy na balewalain at walang gagawing aksyon ang gobyerno para idepensa ang teritoryo ng Pilipinas sa WPS ay hindi na umano magugulat ang mambabatas kung paputukan ng China ang mga Navy.

“Bukas, makalawa malamang ipuputok na nila ang mga baril nila para lang maigiit ang gusto nilang pag-angkin sa ating mga teritoryo,” ayon pa kay Zarate.

Maging si House minority leader Bievenido Abante ay hindi nagustuhan ang pahayag ni Lorenzana dahil nangyari ang pagtutok ng radar gun sa loob ng ating teritoryo. BERNARD TAGUINOD

176

Related posts

Leave a Comment