Sulat sa China binawi matapos kumalat sa social media GEN. SANTOS INUPAKAN NG NETIZENS

BINAWI na ni Armed Forces chief of Staff Felimon T. Santos ang kanyang liham na humihingi ng pabor kay Chinese Ambassador Huang Xilian matapos itong kumalat sa social media at umani ng pagbatikos sa netizens.

Nauna rito, usap-usapan sa social media ang liham ng heneral na humihiling na tulungan siyang makabili ng limang kahon ng Carrimycin tablets, isang uri ng gamot na sa China lamang mabibili na sinasabing nakatulong kay Santos para gumaling sa coronavirus disease.

Hindi nagustuhan ng netizens ang paghingi ng pabor ni Santos lalo pa at isang uri ng Chinese medicine na tinuturing na counterfeit drug at hindi rehistrado sa Food and Drugs Administration ang hinihingi nito.

Kaugnay nito, umapela si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa publiko na unawain ang naging aksyon ni Santos.

“Kinausap ko na si Gen. Santos at inamin niya na talagang ginawa niya ito,” ayon kay Lorenzana.

Kaya nga ang apela ni Lorenzana sa publiko ay unawain ang naging hakbang ni Santos lalo pa’t isa ito sa nahawaan ng COVID-19.

“Hindi naman siguro very improper yung ginawa nya, wala lang sa lugar, dahil dapat yung mga ganung sulat, idinadaan muna sa Department of Foreign Affairs,” ayon kay Lorenzana.

“I-consider natin yung experience ni Gen. Santos. Siya ay na-infect ng deadly virus at yung specter ng pagkamatay ay nandiyan. He suffered anguish and distress,” dagdag na pahayag nito.

Ani Lorenzana, hindi na niya pinalaki ang isyu dahil nagpaliwanag naman sa kanya si Santos.

“Wala naman siyang kasalanan na nag-violate ng regulation or imperiled our national security. Kaya we will let the matter rest na, kasi he already admitted and he explained to me the reason why he did it,” ang pahayag ni Lorenzana.

Kinumpirma kahapon ng Food and Drug Administration na ang nasabing traditional Chinese medicine na ibinibigay sa mga Chinese patient na may COVID-19 ay hindi rehistrado sa FDA. CHRISTIAN DALE, JESSE KABEL

225

Related posts

Leave a Comment