NASAWI habang nilalapatan ng lunas ang dalawang kagawad ng Philippine National Police makaraang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng hapon sa Barangay Proper, Polomolok, South Cotabato.
Nagawa pang maitakbo sa Howard Hubbard Memorial Hospital ang mga biktimang sina P/Cpl. Witzel Russ Bitantos at Patrolman Bryan Costello, kapwa nakatalaga sa Polomok PNP subalit hindi na naisalba.
Ayon kay Police Col. Jemuel Siason, Provincial Director ng South Cotabato PNP, alas 2:00 ng hapon nang isagawa ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang pananambang.
Lumitaw sa pagsisiyast na nagsasagawa ng motorcycle patrol operation ang mga biktima at pagsapit sa Barangay Koronadal Proper ng Polomolok ay dinikitan sila ng mga salarin at pinaulanan ng bala.
Nabatid na may ilang persons of interest na tinututukan ang mga imbestigador na posibleng makapagtuturo sa mga salarin. JESSE KABEL
