KUNG mayroong higit na makikinabang kapag nagtagumpay ang mga grupong nagsusulong sa Charter Change (Cha-Cha) ay ang China at hindi ang sambayanang Filipino.
Ito ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kaugnay ng Cha-Cha na isinusulong ng League of Municipal Mayors (LMP) na bagama’t sinabi ng Malacañang na hindi nila ito prayoridad, ay dapat pa rin umanong magbantay dahil inila-lobby ito ng China.
Ayon sa mambabatas, isa sa mga misyon ng Cha-Cha ay burahin ang Section 2 Article XII ng 1987 Constitution na nagsasaad na tanging ang mga kumpanya na 60% na pag-aari ng mga Filipino ang puwedeng magsagawa ng “exploration, development and utilization” sa natural resources ng bansa.
“This Cha-cha also deleted the provision under Section 2 that requires the President to “notify the Congress of every contract entered into in accordance with this provision,” ani Zarate.
Kapag nangyari aniya ito, maaari nang idaan ng Pangulo sa simpleng kasunduan na lamang sa China para payagan ang mga ito na mangisda sa loob ng ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
“Worse, this Cha-cha will also delete the requirement under Section 7 Art. XIII of the 1987 Constitution that requires the government to protect Philippine “marine resources and subsistence fishermen from foreign intrusion,” ayon pa sa mambabatas.
Dahil sa laki ng pakinabang ng bansa ni Chinese President Xi Jinping sa Cha-Cha, sinabi ni Zarate na “China’s lobby in this Cha-cha undertaking must be very strong” kaya dapat umanong magbantay ang mga Filipino kahit sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na wala sa radar nila ang pagbabago sa Saligang Batas.
Sinabi ng mambabatas na walang pakinabang ang mga ordinaryong mamamayan sa Cha-Cha maliban lamang sa mga halal na opisyales dahil pahahabain nito ang kanilang pananatili sa puwesto.
Sa ilalim ng Cha-Cha proposal sa Kamara, imbes na 3 taon ay magiging 5 taon na sa puwesto ang mga halal na opisyal lalo na ang mga congressman, pababa sa governor, mayor at iba pang local officials.
Aalisin na rin umano ang probisyon na hanggang tatlong termino ang mga halal na opisyal ng bansa at gagawin nang regional ang paghalal ng mga senador upang magkaroon ng kinatawan ang bawat rehiyon sa mataas na kapulungan. (BERNARD TAGUINOD)
