NAKATULONG nang malaki sa mamamayan ang dalawang proyekto sa Antipolo City sa Rizal sa gitna ng pandemya na COVID-19.
Inilunsad ni Mayora Andeng Ynares ang tinatawag na “e-botika” at “e-palengke” noong kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ) para hindi na kailangang isugal ng mga Antipolenyo ang kanilang kalusugan para bumili ng gamot at pagkain.
Sa ilalim kasi ng “e-botika” at “e-palengke” ay maaaring mag-order ang mga Antipolenyo ng kanilang mga pangangailangan at ito ay inihahatid ng mga noo’y walang hanapbuhay na mga tricycle driver.
Dahil dito nabigyan ng hanapbuhay maging mga driver.
“Maraming salamat sa lokal na pamahalaan ng Antipolo City sa Rizal sa pagsasagawa ng e-Botika at e-Palengke,” sinabi sa Facebook page ng Department of Health.
Ang Antipolo ay kabilang sa kinilala ng DOH sa mga LGU, na tinatawag nilang “Kontra Covid Heroes, LGU Edition.”
“Ipagpatuloy po ninyo ang malawakang pagseserbisyo,” panawagan ng DOH.
Hindi lang ang DOH ang nakapansin sa “e-Botika” at “e-Palengke” ng Antipolo City, dahil maging ang Department of Interior and Local Government ay kinukonsidera itong isa sa “best practices” para sa isang LGU sa panahon ng pandemya na COVID-19. (KIKO CUETO)
