NILINAW ng Department of Health (DOH) na mali ang paggamit ng gasolina bilang alternatibong disinfectant laban sa COVID-19 virus.
Reaksyon ito ng ahensya sa mga naglabasang ulat na may mga gumagamit ng gasolina bilang pamalit sa alcohol. Pagtutuwid din ito sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamahagi ang pamahalaan ng face mask na maaaring gamitin ng ilang ulit basta idisinfect gamit ang alcohol o gasolina.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, alcohol at alcohol-based sanitizers lang ang inirerekomenda ng tanggapan na alternatibong disinfectant sa malinis na tubig at sabon.
Maaari aniyang nagbibiro lang ang pangulo nang sabihin nitong pwedeng mag-disinfect gamit ang gasolina.
“Ang mga alcohol dapat ay naglalaman ng 70% ethyl alcohol or isoprophyl. Samantalang ang alcohol-based hand sanitizers ay dapat naglalaman ng 60% ethyl alcohol or isoprophyl alcohol.” Paliwanag ni Vergeire, proven na epektibo laban sa mikrobyo, bacteria at viruses ang mga alcohol na may 60-percent concentration.
Una nang nagbabala ang Food and Drug Administration laban sa mga alcohol products na may delikadong sangkap.
Ayon kay FDA director general Eric Domingo, ang maling paggamit sa mga nasabing produkto ay posibleng magdulot ng kapahamakan. (D ANIN)
244
