BANTANG DISBARMENT NG PECO, HARASSMENT – ABOGADO

NAGBANTA ang Panay Electric Company (PECO) na kakasuhan ng disbarment sa Korte Suprema ang isang abogado sa Iloilo City dahil sa mga pahayag nito na may offshore companies ang dating Distribution Utility.

Itinuring namang harassment ni Atty. Zafiro Lauron ang banta ng PECO na malinaw aniya na nais lang siyang patahimikin sa isyu. Iginiit din ng abogado na hindi personal ang kanyang pag-atake sa PECO bagkus ay bahagi lamang ito ng kanyang civic duty bilang isang true-bloodied Ilonggo.

Aniya, hindi lamang ang iregularidad sa pamamalakad ng PECO ang kanyang naging laban sa Iloilo bagkus marami pang mahahalagang isyu ang kanyang isiniwalat at marami na ring sinampahan ng reklamo mula sa mga national at local official na ang huli ay ang katiwalian aniya sa Dam project sa lalawigan.

“Kung sasampahan nila ako ng disbarment, be my guest. There’s no legal ground for that.

This harassment from PECO means that they are pushing me to cow in fear. PECO should be open to criticisms, huwag sana silang onion skin,” pahayag ni Lauron.

Sinabi pa ni Lauron na hindi dapat patahimikin lagi ng PECO ang mga bumabatikos sa kanila.

Aniya, bagama’t private entity ang kumpanya ay involve naman ito sa public activity dahil nasa linya ng power generation kaya bilang isang consumer, Ilonggo at abogado ay may karapatan siya sa kanyang opinyon at may civic duty rin kung may nalalaman itong iregularidad.

Kaugnay nito, pinasinungalingan din ni Lauron ang pahayag ng PECO na nag-aabogado siya sa More Electric and Power Corp. (More Power) na bagong Distribution Utility sa Iloilo.

Giit ni Lauron, wala syang anomang legal engagement dito at wala siyang kilala kaninoman mula sa kumpanya.

“Alam ng mga taga Iloilo na isa ako sa mga lumalaban sa isyu sa aming lalawigan kaya malisyosoang paratang ng PECO na ako ay nag-aabogado para sa More Power,” dagdag pa nito.

Nagbanta si Lauron na kung patuloy siyang pagbabantaan ng PECO at gagawa ng squid tactics ay bubuwelta rin siya ng kaso laban dito.

Si Lauron ang unang nagbunyag ng pagkakaroon umano ng 3 offshore companies ng PECO sa Bahamas na Costa Group Investments Ltd, Prime Rose Technology  at Mega International Services na pawang nabuo noong taong 2000.

Kaya naman, hiningi nito ang tulong ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na maimbestigahan ang nasabing offshore accounts.

Bilang tugon, naglabas ng pahayag ang PECO na pinabubulaanan ang mga pagbubunyag ni Lauron na tinawag din nilang isang “rehashed issue”.

Pagtiyak pa ng PECO, bukas sa appropriate authorities ang financial records ng kanilang kumpanya at maging ng pamilya Cacho na siyang nagmamay-ari ng PECO.

“Whatever investments the Company or family may have are all above-board and compliant with law”, nakasaad sa statement ng PECO.

Kasabay nito, hinamon ng PECO si Lauron na dalhin sa tamang forum ang kanyang mga reklamo sa halip na ibunyag lamang sa media.

162

Related posts

Leave a Comment