PAGTITIBAYIN sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 sa pagbabalik ng ikalawang regular session ng 18th Congress sa Lunes, ayon kay Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara.
Sa pahayag, sinabi ni Angara na tulad ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, bibigyan ng Bayanihan 2 ang Pangulo ng flexibility na maglipat ng pondo mula sa badyet ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19.
“A total of P140 billion will be allocated for the fiscal stimulus and relief package under Bayanihan 2,” ayon kay Angara.
Samantala, umaasa naman si Angara na maririnig niya ang plano ng administrasyon para sa lahat ng apektadong sektor ng COVID-19 pandemic sa ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.
Aniya, walang nakikitang pagtatapos ng pandemic, interesadong mapakinggan ang roadmap ng pamahalaan para sa nalalabing mga buwan ng taon at sa mga susunod na taon pa.
“As we open up from various stages of quarantine I would like to hear more on the new normal or next normal in terms of our children’s education since we have over 20 million of our children in schools,” ayon kay Angara.
Itinakda ng Department of Education ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, 2020 na mayroon halong face-to-face at distance learning.
Magkakaroon ng limitadong face-to-face classes sa lugar na mababa ang banta ng COVID-19 at sa paaralan na nakamit ang minimum na pamantayan sa kalusugan.
“The DepEd should proceed with extreme caution because based on the experiences of countries such as China and France, which opened up their schools too soon, “there was a second wave and the schools were one of the super spreaders of the virus,” aniya. (ESTONG REYES)
