“HINDI po rapid test ang ginagawa natin. Ito ay serology anti-body lab testing na mas episyente.”
Ito ang paglilinaw ni Manila Mayor Isko Moreno, kaugnay ng mga maling ulat at maling akala na ang mga bagong tayong libreng walk-in at drive-thru COVID testing centers kung saan 667 na ang nagpositibo ay gumagamit ng rapid test kits. Ito ay para rin sa kapanatagan ng mga magpapa-test.
“Why are we using this? It is because this is more sensitive and specific than rapid test. Mabisa rin ang rapid test kaya lamang may natagpuan tayong mas mabisa. We also must continue the WHO or DOH protocol gold standard of testing, no question about that,” ayon kay Moreno.
Ayon sa alkalde, ang mga blood sample na kinukuha mula sa mga magpapasuri para sa libreng COVID testing ay isinasailalim sa serological tests, na ayon sa mismong pagsasaliksik ng alkalde ay
nangangahulugan ng blood tests kung saan hinahanap ang antibodies sa dugo at gayundin ang iba pang sakit.
Bagama’t mayroon pang ibang laboratory techniques, sinabi ni Moreno na ang gamit ng pamahalaang lungsod ang siyang pinakamataas sa kategorya ng laboratory testing, gamit ang tinatawag na CLIA o clinical laboratory improvement amendments.
Idinagdag pa ng alkalde na tulad din ng swab test kung saan ang sample mula sa ilong at bibig ay inilalagay sa makina para masuri, ang drive-thru at walk-in centers ay kumukuha naman ng mga
sample ng dugo at sinusuri gamit ang makina.
Sa kaso ng swabbing, ang makina na ginagamit ay reverse time-polymerase chain reaction (RT-PCR), habang ang drive-thru at walk-in centers naman ay gumagamit ng ‘Architect i1000 SR’ machines na binili ng pamahalaang lungsod sa Abbott Laboratories, na ayon kay Moreno ay isang kilala at matatag na multinational company pagdating sa larangan ng paggawa ng medical lab machines.
Iginiit ni Moreno na ang makinang gamit sa walk-in at drive-thru ay high-end na may 99.6 specificity at 100 percent sensitivity at ito rin ang gamit ng mga mamahalin at pribadong ospital
dahil kaya rin nitong matuklasan ang anomang kasalukuyang impeksyon sa katawan at maging ang mga nakaraang impeksyon. Maliban pa rito ay maiiwasan ang ‘false positive’ at ‘false negative’
na resulta na karaniwan na sa rapid test kits.
Nabatid na nitong nakalipas na linggo ay umaabot sa 5,000 katao ang dumagsa sa mga drive-thru at walk-in free COVID-19 testing centers sa lungsod at 667 dito ay natuklasang positibo sa
coronavirus.
“Dahil padelikado nang padelikado ang sitwasyon, dapat pa-improve din nang pa-improve at mas efficient ang approach,” ayon pa kay Moreno.
Sinabi pa ni Moreno na ang mga makinang binili ng lokal na pamahalaan para sa mga city-run hospital ay magagamit pa rin sakaling matapos na ang pandemya, dahil puwede ito sa mga nakamamatay na sakit tulad ng AIDS, hepatitis, thyroid, cardiac arrest, cancer at iba pa.
Matatandaan na binuksan nina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang drive-thru COVID testing centers sa harap ng Bonifacio Shrine malapit sa city hall at sa Independence Road sa harap ng
Quirino Grandstand na kayang sumuri ng mula 200 at 700 bawat isa.
Sinundan ito ng pagbubukas ng dalawa pang walk-in centers sa Ospital ng Sampaloc at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center kung saan ang bawat isa ay kayang sumuri ng 100 indibidwal.
Ang mga testing center ay bukas Lunes hanggang Biyernes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. (JESSE KABEL/RENE CRISOSTOMO)
368 