BAYANIHAN 2, LUSOT NA SA SENADO

LUSOT na sa Senado ang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na ituloy ang mga hakbangin laban sa COVID-19 at matulungan ang bawat sektor ng lipunan na makarekober.

Sa botong 22-1 kung saan tanging si Senador Kiko Pangilinan ang tumutol, inaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading ang panukala.

Ayon sa pangunahing may akda at sponsor ng panukala na si Senador Sonny Angara, pinapalawig sa panukala ang validity ng mga programa laban sa COVID-19 na sinimulan sa Bayanihan to heal

as one act.

Alinsunod sa panukala, bibigyan ng ayuda ang mga negosyante at mga manggagawa na tinamaan ng pandemic kabilang na ang mga Overseas Filipino Workers na napauwi at nasuspinde ang deployment.

Sa inaprubahang panukala ng Senado, P140 bilyon ang ilalaang pondo para sa mga programa upang labanan ang virus.

Kasama na rito ang pagbili ng PCR testing at extraction kits at iba pang supplies na kailangan ng Department of Health na aabot sa P10 bilyon.

Naglaan din ng P15 bilyon para sa cash-for-work program at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers or TUPAD ng Department of Labor and Employment.

Para naman sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, kabilang ang probationary, project, seasonal, contractual at casual employees sa private health institutions, tourism, culture and arts, creative industries, construction, public transportation, trade industries, at iba pang sektor, naglaan ang Senado ng P17 billion bilang unemployment o involuntary separation assistance.

Saklaw din nito ang mga freelancer, self-employed at repatriated OFWs.

Kabuuang P50 billion naman ang inilaan para sa government financial institutions na Landbank of the Philippines (P30 billion), Development Bank of the Philippines (P15 billion), at Philippine Guarantee Corporation (P5 billion) para sa pagpapautang na may maliit na interes sa micro, small and medium enterprises (MSME).

Sa agriculture sector, P17 billion ang inilaan para sa Plant, Plant, Plant program, kasama na ang cash subsidies at interest-free loans sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council and GFIs.

Nakasaad din sa inaprubahang panukala ang paglalaan ng P17 billion sa Department of Transportation para sa interest rate subsidies at temporary livelihood sa mga displaced worker sa transportation sector.

Ang tourism industry naman ay pinaglaanan ng P10 billion para sa mga negosyong naapektuhan ng pandemya.

Naglaan din ng P3 bilyong pondo para tulong sa state universities and colleges para sa development ng smart campuses sa pagpapatupad ng flexible learning modality.

May P1 bilyong tulong din sa Technical Education and Skills Development Authority para sa training for work scholarship program at special training para sa employment program ng mga displaced worker kasama na ang mga OFW. (DANG SAMSON-GARCIA)

378

Related posts

Leave a Comment