ASAHAN na ang pagbubukas ng mas maraming industriya, dine-in sa restaurants at religious services ng hanggang 30 percent capacity simula ngayon, Agosto 19 matapos ibalik ni Pangulong
Rodrigo Roa Duterte sa general community quarantine ang National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ito, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque ang naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force.
“Halos lahat po ng industriya ay magbubukas bukod na lang po doon sa maraming nagtitipon-tipon, ‘yung mga entertainment, at ‘yung mga amusement para po sa bata ‘no. Pero itong desisyon po ay mayroon pong mga kondisyon din na isinama ang inyong IATF lalong-lalo na po sa Metro Manila ‘no,” ayon kay Sec. Roque.
Aniya pa, kinakailangan na buksan ng gobyerno ang ekonomiya kasabay ng tinatawag na “refresh”.
“Iyong ire-refresh po natin ‘yung mga responses natin sa COVID. Kasama na nga po diyan ‘yung mas maigting na testing at nagsisimula na po ‘yung pilot natin para sa pooled testing kung saan mai- expand po natin o mas marami po puwedeng ma-test sa isang test kit,” paliwanag ni Sec. Roque.
Bukod dito ay magkakaroon din aniya ng house-to-house na paghahanap sa mga symptomatic na sinimulan na, dalawang linggo ang nakalipas nang bumalik ang Metro Manila sa MECQ.
Ang tawag aniya rito ay Project Code.
Tiniyak ni Sec. Roque na itutuloy pa rin ang Project Code kahit nasa GCQ na ang MM.
“I-swab po natin ‘yung mga mayroong sintomas at ihihiwalay po natin ‘yung mga positibo.
Gagamitin po natin ‘yung mas malawakang tracing na itinuro sa atin ni Mayor Magalong, 1:15 po ang magiging tracing natin. At siyempre po gumagawa po tayo ng mas marami pang facilities para
mas marami po ‘yung mga hospital natin at kakayahan na gamutin ang magkakasakit ng COVID,” litanya ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
