CSC AT PHILHEALTH MAY SABWATAN?

NAGKAKAROON na ng takipan sa kasong isinampa laban sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Civil Service Commission (CSC) na dating pinamumunuan ni
Health Secretary Francisco Duque.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on public account na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, isinalang ang CSC para busisiin ang mga kasong
isinampa laban sa mga opisyal ng PhilHealth.

Nakahalata si Defensor na mistulang nagtatago ng impormasyon ang kinatawan ni CSC chairperson Alicia dela Rosa-Bala na si Assistant Commissioner Ariel Ronquillo hinggil sa pending case

laban sa mga opisyal ng PhilHealth gayung may hawak na datos si Commissioner Aileen Lizada.

“I’ll be straight to the point, pasensya na po kayo Commissioner at hindi ko naman nilalahat, pero mayron po bang pagkilos o may galaw na i-supress ang information dito sa imbestigasyon ng
Kongreso at ng iba pang opisina ng ating gobyerno?,” tanong ni Defensor.

“Mr Chairman, we had a meeting ever since lumabas ho yung memorandum nung President right away, we had a virtual meeting and yes sir, may guidance po regarding yung concern nyo po. Mayguidance po,” ani Lizada.

“May guidance po na.. wag magbigay ng impormasyon?,” ang sundot na tanong ni Defensor na sinagot naman ni Lizada ng “Yes sir”.

Ayon kay Lizada, sa isang miyembro ng komisyon nagmula ang direktiba na huwag ibigay ang mga impormasyon sa kaso ng mga PhilHealth official na nakabinbin sa kanilang tanggapan.
Dahil dito, nilinaw ni  Deputy Speaker Rodante Marcoleta kay Lizada kung si Bala ang naglabas ng direktiba na huwag makipagtulungan sa Kongreso at huwag ibigay ang mga impormasyon sa mga kaso ng mga PhilHealth official.

Tinugon ito ni Lizada ng “the chairperson po” na ang tinutukoy si Bala.

Natuklasan din ng komite ni Defensor na may mga dating opisyal sa PhilHealth ang nagtatrabaho ngayon sa CSC na pinamunuan ni Duque mula 2010 hanggang 2015.

Dahil dito, ipinatawag ng komite si Bala sa susunod na pagdinig at hiningi maging ang minutes at recording ng pulong ng komisyon nang ibigay nito ang nasabing direktiba.

Sa nasabi ring pagdinig, isiniwalat ni Dasmariñas City Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., na pinapipirma siya ng PhilHealth ng ‘non-disclosure agreement” hinggil sa kaso ng pneumonia na binayaran nang sobra-sobra.

Ayon kay Bargaza, humingi ito ng report hinggil sa kaso ng pneumonia na binayaran ng PhilHealth dahil magkaiba ang record na hawak ng mga ito sa naitalang kaso ng Department of Health (DOH).

“I was inform this morning by Dr. Bernadeth Lico na willing silang ibigy sa akin yung data. Unfortunately the issue is that sa akin lamang ibibigay at hindi sa ibang miyembro ng komite and
further more pinapipirma ako ng PhilHealth ng mutual non-disclosure agreement na hindi ko puwedeng i-disclosed,” ani Barzaga.

Ayon sa mambabatas, isang uri ng pagpigil sa katotohanan ang nais mangyari ng PhilHealth gayung public record ito at pera ng taumbayan ang nawala dahil sa katiwalian sa all case rate ng mga sakit tulad ng pneumonia. (BERNARD TAGUINOD)

145

Related posts

Leave a Comment