UNTI-UNTI nang kumakapal at lumalawak ang ebidensya ng korapsyon laban sa administrasyon habang papalapit nang papalapit ang pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi pa man natutukoy ng Senado at Kamara de Representantes ang tunay na mga salarin at tirador sa garapalang korapsyon at pandarambong sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Hindi pa rin tapos ang imbestigasyon ng Task Force PhilHealth, mayroon na namang lumabas na kuwestyonableng paggastos sa isang ahensiyang nakapaloob sa Office of the President (OP).
Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA), umabot sa P1,830,720.52 mula sa P2,356,188.46 halaga ng ginastos sa mga pulong nitong 2019 na inihanda ng Bureau of Broadcast Services (BBS) ay walang dokumentong magpapatunay na “opisyal” ang mga pulong na ginastusan.
Wala ring mga resibo, sales invoice at iba pang dokumentong magpapatunay na mahigit P2.35 milyon lahat ang nagastos sa mga pulong ng ahensiya.
Sa kaso ng PhilHealth, mayroon ding ulat ang COA na kuwestyonable ang milyun-milyong halaga na kasama sa proyektong information technology (IT) ng PhilHealth.
Ang BBS ay sakop ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Secretary Martin Andanar.
Alam n’yo ba na binanggit sa COA report na ang P1.83 milyon ay 78% ng P2.35 milyon.
Nangangahulugang napakalaking parte ng ginastos sa pulong ay walang ebidensyang magsasabing totoo ang mahigit P2.35 milyon ang nagastos.
Idiniin ng COA na kailangang mayroong resibo, sales invoice at iba pang dokumentong magpapatunay hinggil sa P2.35 milyon.
Kung walang papeles, o dokumento, ang P2.35 milyon, o ang P1.83 milyon nito, ay napakalinaw na malaking kuwestyon kung ginastos nga, o hindi, ang perang ito sa mga pulong ng ahensiya nitong 2019.
Totoong hindi malaking h alaga ito kung ikukumpara sa mga nawawalang pondo sa PhilHealth na bilyun-bilyon ang halaga.
Ngunit, hindi ‘yan ang usapin.
Ang punto ay mayroong substansiyal na halaga ng pera sa ahensiya ng PCOO ang hindi napatunayang ginastos lahat sa mga pulong na inihanda ng BBS.
Ang hepe ng PCOO ay si Andanar na dating konektado sa TV5.
Hindi paninira laban kay Andanar ang nadiskubre ng COA dahil walang dahilan upang siraan at wasakin ang pagkatao ni Andanar.
Wala naman akong nababalitaang tatakbong senador, o kongresista, si Andanar sa eleksyong 2022 upang masabing winawasak ang kanyang pagkatao.
Pero, kailangang ipaliwanag ito ni Andanar sa publiko.
Obligadong kumpletuhin ng hepe ng BBS ang kuwestyonableng P1.83 milyon kaysa imbestigahan pa ito ng Senado at Kamara.
Napakarami pang anomalya at kontrobersiya ang hindi pa natatapos imbestigahan, o hindi pa nasisimulang imbestigahan ng Senado at Kamara.
Napakarami talaga dahil napakaraming ahensiya sa administrasyong Duterte ang pinamumugaran ng mga magnanakaw at mandarambong ng pera ng publiko.
Uulitin ko ang sinabi ko sa Badilla Ngayon nitong Huwebes na ang korapsyon at pandarambong na isa sa mga nagawang krimen ng administrasyong Duterte ay gagamitin ng mga makakalaban ng kampo ni Duterte sa halalan sa pagkapangulo sa 2022.
Gagamitin ng oposisyon, o ng Liberal Party (LP), o ng ‘Dilawang” puwersa ang napakatalamak at garapalang korapsyon at pandarambong ng mga ‘bataan’ ni Duterte na siya mismo ang pumili at nagtalaga sa iba’t ibang posisyon.
Syempre, ang layunin ng mga kalaban ni Duterte ay talunin ito sa eleksyon.
Bakit kasali si Andanar sa materyales ng kalaban ni Duterte?
Si Andanar ay parte ng pamilya Villar kung saan marami sa miyembro nito ay bahagi ng administrasyong Duterte.
Ang asawa ni Andanar ay anak ng kapatid ni Senadora Cynthia Villar.
Kaya, si Andanar ay pamangkin ni Cynthia at bayaw nina Public Works and Highways Secretary Mark Villar at Las Piñas Rep. Camille Villar sa pinsan.
Ngunit, kung totoong tatakbo si Cynthia sa pagkapangulo sa 2022, makakaladkad pa rin ang pangalan ni Andanar.
Ang impormasyong na karating pa sa media ay patatakbuhin si Mark sa pagkabise-presidente sa eleksyong 2022.
Paghahanda ito upang makuha ng pamilya Villar ang trono ng OP na hindi nakamit ni Manny Villar noong halalang 2010 dahil tinalo siya nina Benigno Simeon Cojuangco Aquino III at Joseph
Estrada.
Ito ang orihinal na plano ng pamilya Villar.
Ngunit, dahil naging numero uno si Cynthia nitong eleksyong 2019, nagbago raw ang plano ng pamilya Villar.
Si Cynthia na umano ang patatakbuhin ng Nacionalista Party (NP) sa pagkapangulo sa halalang 2022.
Mahahati ang NP sa 2022 dahil tatlo ang kanilang “presidential timber.”
Maliban kay Villar, nariyan si Rep. Alan Peter Cayetano at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II.
202 