YUKA SASO, MAY DUGONG BULAKENYA

KUNG ang lalawigan ng Bulacan ay kilala sa pagiging Tahanan ng mga Bayani, di malayong si Yuka Saso, na kamakailan ay tinanghal na kampeon sa Japan Ladies Golf Association (JLPGA), ay may dugong dumaloy sa mga ugat ng mga dakilang Bulakenyong sina Marcelo del Pilar, Gregorio del Pilar at Francisco Baltazar. At sa sports, si Lydia de Vega ng track and field at mga

basketbolistang sina Vergel Meneses, Rodney Santos at Bobby Jose, ilan sa mga kinilalang dakilang produkto ng PBA sa dakong ito ng bansa.

Si Marcelo del Pilar ay nakilala sa pagiging Dakilang Propagandista noong panahon nang ang Pilipinas ay sakop pa ng bansang Espanya, at si Gregorio del Pilar ang bayani ng Battle of Tirad Pass, samantalang si Baltazar ang prinsipe ng Manunulang Tagalog, o Shakespeare at Hari ng Balagtasan sa Pilipinas.

Si De Vega ay isa sa naging dahilan kung bakit ang Lungsod ng Meycauayan ay ipinagbunyi di lamang dito sa bansa, kundi sa Asya at maging sa buong mundo ng athletics. Nakilala siyang Reyna ng Sprint ng halos dalawang dekada.

Si Meneses, ngayon ay alkalde na sa bayan ng Bulacan, ay kaisa-isang manlalarong nagawaran ng PBA All Star MVP bukod sa pagiging regular MVP ng liga propesyonal sa bansa.

At dahil ayon sa ulat ay ipinanganak siya sa bayan ng San Ildefonso, si Saso, na ang ina ay tumutugon lamang sa pangalang Ritzie, ay tinitiyak na may dugo ngang Bulakenya. Dugong tumatakbo rin sa mga ugat nina Del Pilar, Baltazar, De Vega at Meneses.

Ang bayan ng San Ildefonso, tulad ng kalapit nitong San Miguel, ay kilala sa pagiging breeding ground ng mga batikang manlalaro ng softball na naging miyembro ng Philippine Blu Girls at Blu Boys, gaya ng magkapatid na  Julita at Leonila Tayo.

Si Julita, noon ay 16-anyos pa lamang, at Leonila ay kapuwa miyembro ng Blu Girls team na tinanghal na pangatlo sa 1970 World Championship na ginanap sa OIsaka at pang-apat sa sumunod na taon sa Bridgeport, Connecticut.

Si Saso, 19-anyos lamang, na tinanghal ding double gold medalist noong 2018 Asia  Games, ang kauna-unahang Pilipina na nanalo sa Asian Games at JLPGA Tour, pangalawa kay Frankie Minoza.
Si Minoza ang kauna-unahang Pilipino na nagkamit ng ganitong karangalan.

Nagkampeon si Saso sa NEC Karuizawa noong Agosto 16 sa Kitasaku-gun, Negano Prefecture sa Japan, walong buwan matapos maging propesyonal na golfer.
Nagsimulang maglaro sa edad na walong taong gulang, dinala siya ng kanyang amang Hapones at personal coach na si Masakasu sa kinikilala niyang pangalawang tahanan (Japan) kasama ang kanyang ina at mga kapatid.

Naging overnight sensation si Yaso nang mapanalunan niya ang individual at team gold medal noong 2018 Asiad. Dito ay kanyang inihayag ang hangarin na maging numero unong golfer sa mundo at manalo ng Olympic gold sa Tokyo sa 2021.

Bagamat inamin niya sa ilang panayam na iniidolo niya ang golfer na si Rory McIlroy, ‘di maikakailang disipulo siya ni golfing great Arnold Palmer, na nagturo ng prinsipyong “I’ve always made total effort even when the odds seemed entirely against me. I never quit trying. I never felt that I didn’t have a chance to win.”

May kahirapan pang maabot ang una niyang ambisyong maging Numero Uno sa mundo sa kanyang napiling propesyon, subalit ang panalo niya sa JLPGA Tour ay nagdala sa kanya para mapalapit sa ikalawa niyang adhikaing makamit and kauna-unahang Olympic gold medal para sa Pilipinas.

192

Related posts

Leave a Comment