UMABOT na 4,916 ang bilang ng mga COVID positive sa Caloocan City at 169 na sa mga ito ang namatay, habang 3,126 naman ang gumaling na hanggang noong Huwebes, Agosto 27, ayon kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan.
Sa gitna ng nakapanghihilakbot na estadistika ay mayroon namang pinapalad at masayang nakipagdiwang ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa paggaling mula sa COVID-19 ng isang lolo kasabay ng kanyang ika-96 na kaarawan noong ika-25 ng Agosto.
Pagkatapos ng 14 araw na pananatili sa Kanlungan Quarantine Facility ay idineklara nang magaling mula sa COVID-19 ang nasabing senior citizen at ang anak nito.
Lubos din ang pasasalamat nito sa lokal na pamahalaan ng Caloocan para sa pag-aalaga sa kanya at kanyang anak habang sila ay nasa pasilidad at nagpaabot ng pagbati si Malapitan sa paggaling ng mag-amang naging biktima ng COVID-19.
“Ang paggaling ng isang 96 years old mula sa COVID-19 ang patunay na may pag-asa ang bawat isa laban sa virus na ito kahit ano pa ang iyong edad. Sana’y magsilbing inspirasyon ang kanyang paggaling para sa lahat ng mga lumalaban ngayon sa COVID-19 upang huwag sumuko at magiging isang inspirasyon din ito sa amin upang ipagpatuloy at pag-igihan pa ang mga programa ng pamahalaang lungsod laban sa COVID-19,” pahayag pa ni Mayor Oca.
Bilang pagdiriwang, naghanda ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ng pagkain na mapagsasaluhan ng kanilang pamilya. Nakatanggap din ito ng mga prutas, kalakip ng kaunting halaga mula sa lungsod.
Batay sa tala ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), ipinanganak ang nasabing senior citizen noong Agosto 25, 1924.
Samantala, tatlo naman ang binawian ng buhay mula sa Barangay Dampalit, Ibaba at Longos sa Malabon City noong Huwebes, habang umakyat na ang COVID death toll sa lungsod sa 148.
Ayon sa City Health Department, 54 ang nadagdag na confirmed cases kaya’t sa kabuuan ay nasa 3,571 ang confirmed cases ng COVID-19 sa Malabon, 606 dito ang active cases. Nadagdagan naman ng 110 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling.
Iniulat naman ng City Health Department ng Navotas City kay Mayor Toby Tiangco na noong Agosto 26 ay 53 ang gumaling, siyam ang bagong kumpirmadong kaso at isa ang namatay na dating pasyente.
Hanggang sa nasabing petsa ay 4,142 na ang COVID positive sa Navotas, 3,471 na ang gumaling, 551 ang active cases at 120 na ang namatay dahil sa nasabing sakit. (ALAIN AJERO)
189 