SUNOD-SUNOD na email ang nakarating sa akin at naka-carbon copy (cc) rin sa mga ahensya ng gobyerno katulad ng Presidential Complaint Center (PCC), Philippine Overseas Employment Agency (POEA), Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) mula sa grupo ng mga manggagawa sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ang naturang grupo ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ay mga trabahante o On–Call cleaners ng kumpanyang Maharah Human Resources na mayroon branches sa iba’t-ibang lugar sa Saudi Arabia.
Bagaman sila ay nagpapasalamat sa ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa pamumuno ni Labor Attache Nasser Mustafa dahil sa ginagawa nitong pag-aasikaso at pagtulong na mapauwi sa Pilipinas ang iba nilang kasamahan, sila naman ay labis na nakikiusap sa pamunuan ng mga ahensya sa Pilipinas na STAFFHOUSE INTERNATIONAL, SHARP BH GLOBAL MANPOWER AT SKILLS INTERNATIONAL dahil sa hanggang ngayon ay tila hindi nakikipag-ugnayan ang mga ito sa Mahara Human Resources upang ang kanilang grupo ay mabigyan na ng exit visa.
Ayon sa kanilang sumbong, halos limang buwan na silang naghihintay na mabigyan ng exit visa para maisama na sila sa isinasagawang mass repatriation ng ating gobyerno. Marami na umano sa kanilang kasamahan sa naturang kumpanya ang nakauwi na sa Pilipinas na nagmula sa ibang mga ahensya, ngunit ang grupo na deployed ng STAFFHOUSE INTERNATIONAL, SHARP BH GLOBAL MANPOWER at SKILLS INTERNATIONAL ay tila hindi nakikipag-ugnayan sa kumpanya.
Sabi nga nila sa sulat ay “Gobyerno na nga po natin ang sasagot sa pamasahe, koordinasyon lang nila upang mabigyan kami ng exit visa ang kelangan namin. May mga pamilya din po na naghihintay sa amin, kaya po ganito na katindi ang depression na nararamdaman namin.
Tulungan nyo po kami sa pag notify sa aming Agency Staffhouse Int., Skills, at SHARP BH na huwag pabayaan na tuluyan na kaming mapag iwanan dito at itengga ng aming foreign agency KHIDMA/ MAHARA COMPANY”.
Kabilang sa sumulat sa akin ay sina Melrose G. Arcillas, Maricel Q. Caperal, Lulu G. Funelas, .Ariane H. Lebrilla, Irene Macadangdang ,Milabel G.Guiroy, Reylene D. Ramirez, Xerxes B. Indenible, Karen D. Volante at Eloisa V. Pineda.
Ang AKO OFW ay nakiki-usap sa POEA upang mabigyan pansin ang kahilingan ng naturang grupo ng mga OFW na kanilang ipatawag ang mga ahensyang tila bingi at bulag sa kanilang kahilingan
na asikasuhin ng employer ang kanilang mga exit visa na isang dokumento na kailangan ipakita sa immigration sa Saudi Arabia para sila ay payagan makasakay ng eroplano pauwi ng Pilipinas.
Kung patuloy na magmamatigas at magtatamad-tamaran ang mga naturang ahensya at pati na rin ang kanilang employer na Maharah Human Resources, hinihiling ng AKO OFW kay Labor
Attache Nasser Mustafa na gumawa na ito ng karampatang aksyon at rekomendasyon para mabigyan disiplina ang mga naturang kumpanya at ahensya.
Samantala, ang AKO OFW ay labis na nagpapasalamat kay Labor Attache Nasser Mustafa sa kanyang mabilis na pag-aksyon at pagbibigay pansin sa kahilingan ni Vice Mayor Glenn Chio Hatulan
na matulungan ang isa niyang constituent sa Tupi, South Cotabato na limang buwan na hindi binibigyan ng sweldo at hindi pinapauwi sa Pilipinas gayung tapos na ang kanyang kontrata.
269 