MALAKANYANG TODO DEPENSA SA PAGTATALAGA KAY GIERRAN

IGINIIT ng Malakanyang na hindi kailangan na isang health expert ang maitalaga sa PhilHealth upang maayos na mapatakbo ang ahensiya.

Tugon ito ni Presidential spokesperson Atty Harry Roque sa reaksiyon ng Unyon sa PhilHealth na sana ang naitalaga sa kanila ay isang eksperto sa health insurance.

Binigyang halimbawa ng kalihim na hindi naman kailangan na maging embalsamador ang isang manager ng memorial park.

Pagbibigay diin ni Sec. Roque, ang mahalaga ngayon ay malinis ang korupsiyon sa PhilHealth at naniniwala silang pasok sa kuwalipikasyon si dating NBI Director Dante Gierran upang pamunuan ang ahensiya.

Giit nito, si Gierran ay abogado bukod pa sa CPA  kayat may alam aniya ito kapwa sa financial at  legal aspect.

Bukod dito, ayon kay Sec. Roque ay hindi kailanman nakaladkad sa anomang kontrobersiya ang pangalan ni Gierran at subok na aniya ang integridad nito.

Sa ulat, nagpahayag ng pagkadismaya ang grupo ng mga empleyado sa PhilHealth sa pagkakatalaga kay Gierran bilang bagong pangulo ng state insurer.

Ayon sa lider ng Employees Union ng PhilHealth na si Fe Francisco, hindi pinakinggan ni Pangulong Duterte ang kanilang panawagan na magtalaga ng financial expert na marunong sa PhilHealth.

Dapat din aniya ay may 7 years experienced sa field ng public health at rekomendado ng Board ng PhilHealth base na rin  sa nakasaad sa Universal Health Care Law. (CHRISTIAN DALE)

141

Related posts

Leave a Comment