WALANG ibang nagtiyak na lahat ng distribution utilities (DUs) ay sumusunod sa “system loss cap,” kundi mismong Energy Regulatory Commission (ERC).
Kaya, mungkahi ko ay huwag basta-basta maniniwala sa pahayag ng ibang kumpanya na lumabag ang kanilang kalabang kumpanya, lalo na kung ang DU na ito ay wala nang “legal” na batayan
upang manatiling DU sa industriya ng elektrisidad.
Ang nararapat na gawin ay alamin ang datos ng mga magkakatunggaling kumpanya sa isang industriya upang malaman kung ano ang totong impormasyon.
Inilatag natin ang pahayag ng ERC dahil iwinasiwas ng Panay Electric Company (PECO) na ang More Electric and Power Corporation (More Power) na naniningil daw nang mataas na system loss ang sinisingil nito sa kanilang mga kustomer.
Ang sabi ni ERC Chairman Agnes Devanadera, mahigpit na minomonitor ng ERC ang pagsunod ng DUs sa itinakda nilang system loss cap.
Batay sa alituntunin ng ERC, ang mga DU ay kailangang magpasa ng kanilang ulat tungkol sa system loss kada buwan.
Kasama rito ang sworn statement annual report na nagpapakita ng kanilang system loss.
Alam ito ng PECO.
Sa ganitong proseso, namomonitor ng ERC kung sinusunod ng DUs ang system loss cap, o hindi.
Noong 2018 nang ipatupad ng ERC ang system loss cap na 6.5% sa lahat ng DUs.
Ang layunin dito ng ERC ay mapababa ang binabayaran ng mga kliyente ng lahat ng DUs at mabuti ng power suppliers ang sistema ng kanilang distribyusyon ng kuryente sa bawat bahay.
Ang sistemang ipinatupad ng ERC ay nakabatay sa itinakda at ipinag-utos ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“The lowering of the system loss caps is a move to bring down the power rates and help electricity consumers mitigate the impact of rising costs of commodities and services. This will encourage
distribution utilities (DUs) to improve their distribution system and facilities so that they adhere to the newly-prescribed system loss cap,” paliwanag ni Devanadera.
Kaya, naobliga ang More Power na bigwasan ang PECO nang ‘gamitin’ nito ang pananaw ng Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) na umabot umano sa 7.1% ang sinisingil ng More Power na system loss sa kanilang mga kustomer.
Mataas ito sa itinakda ng ERC na 6.5%.
Kaya, iginiit ng More Power na wala itong katotohanan.
Nanira lang ang PECO dahil batay sa rekord ng More Power ay 6% system loss lang ang ipinapasa ng huli sa Iloilo power consumers mula nang magsimula ang operasyon nito noong Pebrero ng taong kasalukuyan.
Malinaw na malayo ang anim na porsiyento sa itinakda ng ERC na 6.5%.
Tiniyak ng More Power na maaasahan ng 65,000 Iloilo power customers na mas bababa pa ang kanilang system loss sa loob ng susunod na tatlong taon dahil na rin sa ipinatutupad nitong modernization program.
Dalawang klase ang system loss.
Ang una ay usaping teknikal, o ang nawawalang kuryente habang nagtatransmit ito mula sa generation company patungo sa DUs.
Kung maayos ang distribution system, mas malaki ang tiyansa na walang maaaksayang kuryente.
None technical ang ikalawa, o ang nawawalang kuryente dahil sa pilferage, o pagnanakaw, sa pamamagitan ng paggamit ng jumper.
Ang bayad sa nawawalang kuryenteng ito ay sinisingil din sa mga kustomer, sa pamamagitan ng system loss charge.
Naging kontrobersiyal noon ang mataas na system loss sa Iloilo City sa ilalim ng PECO dahil na rin sa umabot ito sa 9.93% noong 2017 na pinakamataas sa lahat ng pribadong DUs sa bansa.
Pinakamataas din ang generation charge na sinisingil ng PECO na P2.50 kwh na mas mataas kumpara sa malalaking lugar, gaya ng Manila, Cebu at Davao.
Itinuring din na pinakamataas ang singil sa kuryente sa Iloilo City sa ilalim ng PECO sa mahigit 70 bansa sa buong mundo, samantalang ang gamit nilang distribution lines, transformers at sub-stations ay noong dekada ’70 pa naitayo.
Tapos, mayroong nadiskubreng 30,000 illegal power connection.
Pokaragat na ‘yan!
175 