INGAT SA MGA AMUYONG

TAMA ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat mag-ingat ang mga ina-appoint niyang mamuno sa isang ahensya ng gobyerno sa mga ­dadatnan niyang mga tao at kinukuhang consultant, hindi lamang sa mga ahensyang tala­mak ang katiwalian kundi ma­ging sa mga ahensyang tahimik pero maraming multo.

Ingatan ang mga amuyong na nakapaligid sa iyo dahil naghaha­nap-buhay lang ang mga ito gamit ang inyong pangalan at kapag nagkagipitan, ikaw ang tatamaan habang sila ay nagsasaya at namumuhay ng marangya.

Tandaan natin na ang mga pinuno ng isang ahensya lang ang come and go pero ang mga civil servants na sangkot sa katiwalian ay naroroon pa rin kahit sino pa ang ilagay ng Pangulo na mamuno sa kanila.

Kahit magpapalit-palit ng ­Presidente ng Pilipinas nasa puwesto pa rin ang mga corrupt officials sa mga ahensya ng pamahalaan kaya huwag na kayong magtaka kung bakit hindi nasusugpo ang katiwalian sa gobyerno.

Mananatili ang mga corrupt officials na ito sa kanilang puwesto hanggang sa sila ay dumating na sa mandatory retirement kaya papaano masusugpo ang kurakutan sa ating pamahalaan? Protektado ng batas ang kanilang posisyon kaya hindi sila basta-basta naaalis.

Dahil sa tagal nila sa puwesto, hindi lang nila na-master ang pagnanakaw. Nag-doctorate na sila sa pagnanakaw sa kaban ng bayan na ang numero uno nilang biktima ay ang mga ordinaryong mamamayan.

Ang mga ito din ang nang-iimpluwensya sa mga appointees para maging corrupt din dahil sila rin ang tinatanong ng mga appointees kung paaano ang takbo ng ­ahensyang ipinagkatiwala sa kanya.

Hindi ba kayo nagtataka tuwing may bagong appoint na opisyal sa isang ahensya, nagpapa-briefing at ang nagbi-briefing sa kanila ay yung mga top officials na kanyang nadatnan sa ahensya?

Walang nakakaalam kung ano ang pinag-uusapan nila dahil hindi ito binubuksan sa media. As in sila-sila ang nag-uusap. Malay ba natin kung pati ang pagkakakitaan ang sinasabi esa appointee?

Dahil sa briefing na ‘yan naitatag na ang koneksyon ng mga corrupt sa appointee at bubulungan na ‘yan at dahil sa bulungan na ‘yan unti-unti nang nagkakaroon ng katiwalian.

Mayroon din ng mga appointee na kung sino-sino ang kinukuhang adviser o consultant kuno na hindi inaalam ang background. Binayaran ng napakalaking pera pero wala namang naitiutulong sa pagsugpo ng katiwalian.

Kahit ang pangulo ng bansa ay naiisahan din ng mga pinagkakatiwalian niyang mga tauhan. Maaaring hindi corrupt ang isang pangulo pero kung ang mga taong kinukuha niya ay gahaman sa pera at pansariling interes lang ang iniisip eh talagang walang mangyayari sa ating bansa.

May alam akong ­naging mataas na opisyal ng bansa. Pinagkatiwalian sya ng mamamayan at alam kong hindi siya corrupt dahil lumaki siyang may gintong kutsara sa kanyang bibig, ika nga.

Pero malala din ang katiwalian na nangyari sa pamumuno ng opisyal na ito dahil marami siyang tauhan ang naging gahaman sa pera. Sinamantala nila ang pagkakataon para sila ay magkamal ng salapi.

Hindi ko na sasabihin kung sino ang mataas na opisyal na ito pero inisahan siya ng kanyang mga tauhan. Marami sa kanyang mga dating tauhan ang ordinaryo lang ang pamumuhay pero pagbaba nila sa pwesto ay ­marangya na ang kanilang pamumuhay.

165

Related posts

Leave a Comment