DAVAO CITY – Kalaboso sa selda ng Sta. Ana Police Station ang isang lalaki na sinunog ang kanilang bahay nang mag-away silang mag-asawa na nagresulta sa pagkatupok ng 60 kabahayan noong Huwebes ng umaga, Setyembre 3.
Nangyari ang insidente sa Sto. Niño, Gotamco, Barangay Leon Garcia, Agdao District nitong lungsod, dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Ayon kay Sta. Ana Police commander, P/Major Michael Uyanguren, agad nilang nadakip ang suspek na si Roberto Linggasac Manalong, 44-anyos sa isinagawang follow-up operation.
Nabatid sa ulat ng pulisya, makaraang makipag-away sa kanyang misis, binuhusan ng suspek ng gasolina ang sahig ng kanilang bahay at sinindihan ito.
Mabilis na kumalat ang apoy naging dahilan nang pagkasunog ng 60 kabahayan at nadamay rin ang ilang classroom ng Congressman Manuel Garcia Elementary School.
Umabot sa P1 milyong halaga ang natupok na mga ari-arian sa insidente ngunit walang iniulat na namatay maliban sa ilang residente na nagkaroon ng galos dahil sa pagsalba ng kanilang mga gamit.
Agad namang kumilos ang City Social Welfare and Development Office upang mabigyan ng ayuda ang mga nasunugan na pansamantalang nanatili sa evacuation center ng barangay. (DONDON DINOY)
236 