DAVAO City – Wala nang buhay nang madatnan ng mga tauhan ng Tagum City Police Station ang isang lalaki na umano’y binugbog ng dating kaalitan sa Pereyras Terminal, Brgy. Magugpo West, Tagum City noong Linggo, Setyembre 13.
Dakong alas-5:59 ng hapon nang magresponde ang mga awtoridad dahil sa impormasyong natanggap na binugbog ang isang lalaki sa nasabing terminal.
Kinilala ang biktimang si Wenifredo Oclenaria, nasa hustong edad, residente sa Purok 3, New Sambog, New Corella, Davao del Norte.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, kinilala ang suspek na si Rio Estaca Malinao, 29-anyos, jeepney driver, at residente ng Sta. Theresa, Brgy. Cuambogan, Tagum City.
Napag-alaman, dati nang may personal na alitan ang suspek at biktima kaya nang magpang-abot ang mga ito ay nirapido ng suntok ni Malinao si Oclenaria sa tiyan at iba’t ibang Bahagia ng katawan.
Dahil sa lakas ng kamao ng suspek, natumba ang biktima at nawalan ng malay.
Inilarawan ng pulisya na nabagok ang ulo ng biktima sa sementadong parte ng lugar dahilan upang ito ay agad nalagutan ng hininga.
Agad namang tumakas ang suspek na target ng hot pursuit operation ng mga awtoridad. (DONDON DINOY)
