PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Risa Hontiveros ang kasunduan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Dito Telecommunity sa pagtatayo ng cell sites sa loob ng mga kampo militar sa buong bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na layunin ng Senate Resolution No. 137 na inihain kamakailan na imbestigahan ang national security implication ng kasunduan na pinapayagan ang Dito Telecommunity Corp. na magtayo ng equipment at pasilidad sa mga base militar ng AFP sa buong bansa.
Iginiit ni Hontiveros na nakatakda sa Article 7 ng Chinese National Intelligence Law na nagsasabing kailangan tumulong ang lahat ng Chinese corporation sa paghahanap at paghahagilap ng intelligence: “any organization or citizen shall support, assist and cooperate with the state intelligence work in accordance with the law.”
“There is also the Chinese Counter-Espionage Law that Chinese corporations cannot refuse to assist their government in this regard. This is already a warning signal, and yet the AFP seems to have forgotten the warning its mother department itself raised last year,” paliwanag ni Hontiveros.
Sinabi pa ni Hontiveros na nauna nang inimbestigahan ng defense officials ang ‘security concern vis-à-vis the proximity’ ng mga pasilidad na pag-aari ng Philippine Offshore Gaming Operators, na pawang Chinese nationals ang empleyado, sa base militar at installations.
KONTROLADO NG CHINA
Bagama’t forty (40) percent lang ang share ng China Telecom sa DITO Telecommunity, sila ang may kontrol sa third player sa telecom industry sa Pilipinas at hindi ang negosyanteng si Dennis Uy.
Ito ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares kaya ang pagpasok pa lamang aniya ng third player na ito sa telecom industry ay malaking banta na umano sa national security ng Pilipinas.
Ayon sa dating mambabatas, seryoso ang hidwaan ng dalawang bansa dahil sa West Philippine Sea (WPS) na ilegal na inaangkin ng China kaya pinapasok umano nito ang mga strategic industry sa bansa tulad ng Telecommuncation industry.
Mas lalong nabigyan umano ng bentahe ang China nang payagan ang DITO Telecommunity na magtayo ng kanilang tower sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
GAGAMITIN SA 2022 ELECTION
Maliban sa banta sa seguridad ng bansa, nangangamba rin ang dating mambabatas na gamitin ang DITO Telecommunity para impluwensyahan ang 2022 election at matiyak na kakampi ng mga ito ang papalit kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“In fact, China will likely intervene in the 2022 election to ensure that the successor chosen by Pres. Duterte will win in the presidential elections. China needs to ensure that the next President will continue to be friendly to China,” ayon kay Colmenares. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)
132
