KUNG magpapatuloy pa rin ang korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hanggang Disyembre, ipabubuwag, o ibebenta na ito sa mga negosyante ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa totoo lang, mawawala ang korapsyon sa PhilHealth kapag naging pribadong kumpanya na ito, o kung tuluyan itong mawala.
Kung pagbuwag ng palpak na ahensiya ang nakikitang ‘solusyon’ ni Duterte, dapat ito rin ang gawin niya sa Intramuros Administration (IA).
Hindi putok sa media ang IA.
Hindi rin ito kontrobersiyal.
Ngunit, ang hindi alam ng publiko ay binawasan ang P200 milyong badyet ng IA.
Pumalo na lamang ito sa P86 milyon.
Tumataginting na P124 milyon ang nawala sa ahensiya.
Pokaragat na ‘yan!
Akala ko, badyet ng tanggapan ni Bise – Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo lang ang binawasan ng Department of Budget and Management (DBM).
Pati pala ang IA.
Ang IA na nasa ilalim ng Department of Tourism (DOT) na pinamumunuan ni Secretary Bernadette Romulo – Puyat ay ang namamahala sa Intramuros sa Maynila.
Palagay ko, nadiskubre at nakumbinsi ang DBM na walang silbi ang AI.
Kaya, ginawang P86 milyon na lang ang badyet nito.
Marahil, pampasahod na lamang sa mga opisyal at kawani ng AI ng P86 milyon.
Sa totoo lang, matagal nang hindi na nakakaakit ang Intramuros.
Matagal nang hindi ito dinarayo ng mga kababayan natin, samantalang busog na busog ang Intramuros sa mga makasaysayang pangyayari sa bansa.
Ang Intramuros ay sentro ng ‘sibilisasyong’ isinilang sa panahong kolonya ang ating bansa ng Imperyalistang Kastila.
Ang pamahalaan ng Kastila na kinakatawan ng Palacio del Gobernador at ang Simbahang Katoliko sa Intramuros ay naging magkatuwang sa pagiging ’kumandrona’ ng mapaniil, mapang-api at kontra-mamamayang lipunan.
Kaya, ilang ulit linusob ng Katipunero ang Palacio del Gobernador upang pabagsakin ang paghahari ng Kastila sa bansa.
Ang pagkakaisa at katapangan ng mga Filipino sa pamumuno ni Andres Bonifacio upang labanan ang dayuhan, sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, ay ipinagpatuloy ng mga aktibistang mag-aaral sa Lyceum of the Philippines, Colegio San Juan de Letran, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at kahit ng ilang aktibista sa Mapua Institute of Technology.
Naging bahagi ako ng Intramuros nang mag-aral ako sa Lyceum of the Philippines ng A.B. Political Science at A.B. Economics bilang preparasyon ko sa pag-aaral ng abogasya.
Ngunit, hindi ko natapos ang dalawang kurso at hindi rin ako naging abogado.
Sa ibang pamantasan ko na natapos ang A.B. Pol. Sci.
Noong panahon namin sa Lyceum, maraming bahay sa Intramuros ng mga maralitang – tagalungsod, o iskwater kung tawagin ng maraming tao.
Hanggang ngayon, marami pa ring maralita sa Intramuros.
Nangangahulugang nabalewala na sila ng pamahalaan.
Napabayaan na rin ang Intramuros ng IA.
Noong nag-aaral ako sa Lyceum, masasabing malinis at maayos pa ang Intramuros.
Ang Parian ay nadadaanan pa namin noon.
Ngayon, may harang na ang Parian, napakarumi at nakakatakot daanan.
Napabayaan nang husto ang Intramuros.
Kung baga sa tao, nanggigitata ito.
Kaunti na lang, maaari nang magmukhang ‘taong grasa.’
Pokaragat na ‘yan!
Nangangahulugang hindi nagampanan ng IA ang trabaho, tungkulin at obligasyon nito upang paunlarin ang Intramuros.
Walang nanghinayang na mga mambabatas sa mahigit P124 milyong tapyas sa badyet ng AI.
Binalak daw na tuluyan nang buwagin ang IA, ngunit naawa at nagmalasakit lang ang mga mambabatas sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho.
Kaya, binawasan na lang ang pondo, kaysa tuluyang ipabuwag ang AI.
Pwede namang ilipat ang mga empleyado sa ibang ahensiya ng DOT, ngunit ang mga opisyal, lalo na iyong mga nangangasiwa sa planning department ng AI, ay hindi na nagagawa nang maayos ang kanilang trabaho, tungkulin at obligasyon sa Intramuros at publiko.
Ang masama rito ay kung pinagkakakitaan na lamang nila ang Intramuros para sa sariling kapakanan.
194 