Hirit ng solon WALA MUNANG ELEKSYON SA 2022

SA kabila ng ginagawang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2022 presidential election may COVID-19 man o wala, ipinakokonsidera ng isang kongresista na ipagpaliban muna ito.

Sa kanyang interpelasyon sa budget hearing ng Comelec, tinanong ni Deputy Majority Leader at Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo si Comelec Chairman Sheriff Abas kung pumasok sa isip ng mga ito na ipagpaliban ang eleksyon dahil sigurado aniya na hindi pa matatapos ang problema sa COVID-19 pandemic pagdating ng 2022 general election.

“Hindi po talaga [naisip na ipagpaliban ang election]. Because alam naman natin na this is constitutional mandate at fix yung inilagay ng batas…,” sagot ni Abas.

Ayon kay Arroyo, alam nito na itinakda ng batas na tuwing ikatlong taon ay nagkakaroon ng election para sa local position at tuwing ika-6 naman sa presidential election subalit nahaharap sa matinding problema ngayon ang bansa dahil sa COVID-19.

“Because I’ve been hearing in my district, the businessmen, the old people, they’re saying maybe they would not just vote because they’re scared to vote during that day. That’s just food for thought

Mr Chair. The Comelec may choose to answer that or not,” ani Arroyo.

Subalit ayon kay Abas, wala sa kanilang kapangyarihan na ipagpaliban ang halalan kaya naghahanda na ang mga ito, maliban lamang kung iutos ito ng Kongreso at maging ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“But I hope that thought will linger in their minds. I’m not saying you should do it. Just consider it,”ani Arroyo, anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Well-taken yung comment ni Cong Arroyo. But sabi ko nga, this is a medyo mabigat na usapin yan. But rest assured [titingnan] natin kung paano mag-develop itong sitwasyon natin sa health,” ani Abas.

“But kagaya ng sinabi ko kanina this is constitutional provision at wala sa call namin sa Comelec yan. It’s the call of both chamber of the House and the President,” dagdag pa ni Abas.

Voting by mail

Sa nasabing pagdinig ng House committee on appropriation sa 2021 budget ng Comelec, sinabi Comelec Spokesman James Jimenez na tuloy ang eleksyon sa 2022.
Gayunman, wala pang kasiguraduhan kung tuluyang mawawala ang COVID-19 pagdating ng halalan kaya naghahanda na umano ang mga ito para masiguro na ligtas ang mga botante pagpunta ng mga ito sa presinto para bumoto.

“Ang balak po ng Comelec para sa 2022 is to make sure na yung ating halalan ay magiging ligtas sa ating mga kababayan na boboto,” ani Jimenez.

Kailangan aniya ang tulong ng Kongreso para maging ligtas ang mga botante sa darating na halalan sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga nakabinbing panukala tulad ng voting by mail.

“Nanawagan tayo sa Kongreso…mayron po tayong pending bills, hopefully allow us to expand the coverage yung alternative mode of voting natin including voting by mail,” ani Jimenez.

Kapag naipasa anya ang nabanggit na panukala ay maaring ipadala na lamang ng mga botante sa koreo ang kanilang balota upang hindi na lumabas ang mga ito para bumoto lalo na ang mga senior citizen na kabilang sa vulnerable sa COVID-19.

Samantala, umapela naman si Chairman Abas sa Kamara at Senado na ipasa na ang hybrid election bill dahil kung hindi ay ang lumang sistema pa rin ang gagamitin sa susunod na halalan.

“Kami po, naghihintay lang kami kung anong klaseng sistema ang ipapasa ng Kongreso pati ng Senado. Since yung hybrid po, hindi naipasa, ang aming plano po ay mag-stick kami sa status quo na automated po,” ani Abas.

Sa ilalim ng hybrid election na inakda ni Senator Imee Marcos, mano-mano ang botohan at mano-mano ang pagbilang ng boto at ang makina na ang magpapadala ng resulta sa Comelec. (BERNARD TAGUINOD)

133

Related posts

Leave a Comment