ITINUTURING ng Malakanyang na “wild suggestion” ang isinusulong na panukalang batas ng isang mambabatas ng Amerika na naglalayong harangin ang tulong panseguridad na ibinibigay ng US sa Pilipinas.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, personal na opinyon ni Pennsylvania Representative Susan Wild ang ipinupursige nito sa US Congress.
Ani Sec. Roque, malayo pa ang tatahakin ng nasabing panukalang batas na tiyak na daraan pa sa iba pang lawmakers ng Amerika.
Sa gitna nito’y inihayag ni Sec. Roque na alam naman marahil ng mga Amerikano ang importansiya ng pagkakaibigan ng Pilipinas at ng US.
Ang bill na tinawag ni Wild na Philippine Human Rights Act na magpapahinto ng US funding para sa pulis at militar ng Pilipinas ay inihain dahil aniya sa human rights abuses sa bansa at sa kapapasa lang na anti-terrorism law na ang target lang umano ay labor organizers, workers at kalaban sa pulitika ng Duterte Administration.
Sa ulat, isinusulong ni U.S. Congresswoman Susan Wild ang house resolution 8313 o Philippine human rights act.
Tinawag ni Wild ang Duterte administration bilang ‘brutal regime’ na ang tinatarget ay labor organizers, mga manggagawa at kalaban sa pulitika.
Nakasaad din sa inihaing resolusyon ni Wild ang pagtigil sa pagpopondo ng Amerika hangga’t hindi napatutunayang natapos na o natigil na ang mga pag-atake ng gobyernong Duterte.
Binigyang-diin ni Wild na hindi dapat payagang magamit ang pondo ng Amerika sa paglabag ng karapatang pantao at dignidad ng mga tao.
Katuwang ni Wild sa paggigiit ng naturang resolusyon ang 23 pang kapwa kongresista. (CHRISTIAN DALE)
159 