TILA pinayuhan ni Presidential spokesperson Harry Roque si dating Foreign Secretary Albert Del Rosario na mag-isip-isip muna kung ano ang kuwalipikasyon niya bago magdikta kung ano ang susunod na gagawin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sinabi kasi ni del Rosario na dapat ang susunod na hakbang ni Pangulong Duterte ay gawing realidad ang ginawa nitong paggigiit sa panalo ng Pilipinas laban sa China sa usapin ng West Philippines Sea sa United Nations.
“And all I can say is mag-isip-isip muna tayo kung ano ang qualification natin para diktahan natin ang isang sitting President na hinalal po ng taumbayan,” diing pahayag ni Sec. Roque.
Sa debut speech kasi ng Chief Executive sa UN General Assembly (UNGA) ay binigyang diin nito ang 2016 ruling ng Court of Arbitration na pumapabor sa Pilipinas sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.
“Ang sa akin lang po, si Secretary Del Rosario, he is a Filipino, he is entitled to speak pero parang hindi po maganda na dinidiktahan niya ang Presidente. Hindi ko po alam kung ano ang special qualification niya para diktahan niya ang isang Presidente,” ang pahayag ni Sec. Roque.
“So, I don’t think he has much to show by way of his actual accomplishment as DFA Secretary,” giit ni Sec. Roque.
Sa ulat, sinabi ni Del Rosario na welcome sa kanya ang paggiit ng pangulo ng arbitral victory ng bansa.
Sa paraang ito aniya ay mas naging tapat sa Konstitusyon ang pangulo dahil mandato nyang protektahan ang soberanya ng bansa at ang ating mga teritoryo.
Kaya naman ang susunod na hakbang aniya ng administrasyon ay totohanin ang invocation at magpursige para makuha ang suporta ng marami pang mga bansa para maisulong ang arbitral award sa UN General Assembly sa susunod na taon.
Welcome rin kay Del Rosario ang pagkilala ng punong ehekutibo sa ibang mga bansang sumuporta sa claims ng Pilipinas sa disputed waters.
Kamakailan lamang ay ibinasura ng United Kingdom, France, at Germany ang pagkamkam ng China sa halos buong South China Sea sa pamamagitan ng note verbale na isinumite sa UN. (CHRISTIAN DALE)
68