MALAKI ang posibilidad na umakyat sa dalawang milyon ang bilang ng mga mamamatay sa buong mundo dahil sa COVID-19 bago pa man maipamahagi sa lahat ang madidiskubreng bakuna para rito.
Ito ang babala ng World Health Organization (WHO).
Nabatid na nangangamba ang WHO na dumoble ang bilang ng mga mamamatay na biktima ng covid kung hindi pag-iibayuhin ang mga panuntunan kung paano ito maiiwasan.
Ayon kay World Health Organization (WHO) Director-General Tedros Adhanom, aabot na sa isang milyon ang bilang ng mga namatay sa nakalipas na siyam na buwan mula nang madiskubre sa China ang Novel Coronavirus.
Dahil wala pang katiyakan kung kailan mailalabas ang bakuna laban sa nasabing sakit, ipinaalala ng mga eksperto na manatiling sundin ang mga itinakdang protocol laban dito.
Nabatid na ang mga kabataan ang sinisisi sa ilang pagkakataon sa pagtaas ng impeksiyon sa kabila ng paghihigpit at pagsasailalim ng lockdown sa iba’t ibang lugar sa mga bansa.
Sa ngayon ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang WHO sa China kaugnay sa mabilis na pagbalanse ng COVID-19 vaccine at iba pang treatment para labanan ang Coronavirus Disease. (DAVE MEDINA)
257 