LUNAS SA GUTOM NG MGA PINOY NAKASALALAY SA DA

KUNG magagamit lang ng ­maayos ang malaking pondo ng Deparment of Agriculture (DA) para sa taong kasalukuyan (2020) ay hindi na magugutom ang lahi ni Juan Dela Cruz.

Bakit kamo? Sa taong ito ay nilagdaan ni Pangulong ­Rodrigo Duterte para maging batas ang Fiscal Year (FY) 2020 ­General ­Appropriations Act (GAA) na naglalaan ng P4.1 trillion para may magamit na pera sa operasyon ng national government.

Siyempre kasama riyan ang tungkol sa pagkain ng lahi ni Juan, ang para sa agrikultura.

Binigyan ang Department of Agriculture (DA) ng 64.7 bilyong piso para may pagkain ang mga Pinoy.

Ang Pilipinas ay isang bansa na agricultural ika nga. Kahit itapon mo lang ang buto kung saan-saan ay tutubo na ito.

Kaya kulang lang sa sipag at tiyaga ang mga Pinoy, siyempre kasabay nyan ang suporta mula sa pamahalaan.

Bahagi ng pondo ng DA, ang 10 bilyong piso na nakalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund at 3 bilyong piso ay para sa Financial Subsidy sa mga nagtatanim ng palay.

Kung pagbabasehan ang press releases ng agriculture department ay kabi-kabila ang kanilang mga proyekto para sa mga magsasaka.

Nariyan na ang pamimigay ng mga palahiang hayop, kalabaw, baka, kambing at iba pang suporta sa mga magsasaka.

Ilang administrasyon na kasi ang nagdaan ay napabayaan ang sektor ng agrikultura na ngayon ay inaani na ng mga Pinoy ang epekto nito.

Lalo nitong pagpasok ng buwan ng Marso 2020 kung kelan ­nagsimula ang pandemya ng COVID-19.

Unang naapektuhan ang nasa National Capital Region (NCR) na kung saan ay umaasa lamang ng supplies ng pagkain mula sa mga lalawigan.

Dahil sa lockdown naranasan ng mga tao sa NCR ang mataas na presyo ng mga agricultural products dahil walang makapasok na supplies mula sa mga lalawigan.

Bagamat hindi bawal ang essential products na pumasok sa NCR ay nagdulot ng kalituhan sa mga delivery driver ang patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaya biglang kinapos ng supplies ang Metro Manila.

Pero kung may maganda ­sanang proyekto ang Department of Agriculture kahit na sa urban areas ay hindi sana masyadong naramdaman ang epekto ng pandemya na dulot ng COVID-19.

Maaari rin kasing taniman ng mga halaman lalo na ng mga gulay ang mga bakanteng lote sa Metro Manila.

Bakit nung panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay hindi naranasan ng lahi ni Juan na magutom?

Maganda at totoo kasi ang suportang natatanggap ng mga magsasaka mula sa pamahalaan ng mga panahon yun.

Sana ganun din ngayon, hindi puro press release lang. Maging makatotohanan sana ang suporta ng gobyerno sa mga magsasaka.

Ang mga magsasaka kasi natin ang makakasagot sa kagutuman ng lahi ni Juan.

Kung pagkukumparahin natin ang katayuan ng mga magsasaka ng bansang Japan at Pilipinas ay napakalayong agwat.

Ang mga magsasaka sa Pilipinas ay hindi sila makatikim ng sarili nilang ani dahil ibinibenta lamang nila ito at kanilang kakainin ay ang NFA rice na halos hindi makain ng tao dahil sa hindi magandang amoy nito.

Bago rin makapagtanim ang mga magsasaka sa Pilipinas ay ipinangutang na nila ang kanilang itatanimin palang.

Ang bansang Israel nga na puro bato at buhangin ang kanilang bansa ay nagagawa nilang makapagtanim ng maayos.

Panahon na ngayon para i-educate ang mga Pinoy lalo na sa larangan ng pagtatanim kahit na sa tabing bahay lamang.

Kung wala man bakanteng lote ay maaari rin namang magtanim sa mga paso na nilalagyan ng lupa.

Hindi lang pagkain ang pakinabangan ng tao mula sa mga tanim kundi ang malamig na hangin na dulot nito na nakapalibot sa bahay.

Sana hindi tumigil ang DA sa kanilang pag-iisip kung paano nila mahihikayat ang mga tao, hindi lang ang mga magsasaka kundi maging ang bawat pamilya.

Suhestiyon ng PUNA sa DA na magkaroon kayo ng patimpalak kung sino sa mga pamilya sa Metro Manila ang may pinakamaraming tanim sa bahay lalo na ng mga gulay ay bigyan ng pabuya.

At dun naman sa mga magsasaka na pinakamasipag ay bigyan din ng pabuya para mahikayat ang mga bagong henerasyon na maging magsasaka rin.

Sa panahon kasi ngayon wala nang gustong magsaka sa mga lalawigan dahil nakita nila mula sa kanilang mga magulang na hindi sila nakaahon sa kahirapan sa pagsasaka.

Kaya ang ikauunlad ng mga magsasaka sa mga kanayunan ay nakalalay sa Department of Agriculture.

Sabi nga ni Mang Tonio na barbero simple lang ang papel ng DA sa mga magsasaka maging totoo lang sila sa pagtulong hindi na magugutom ang Pilipinas.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

234

Related posts

Leave a Comment