NATAKPAN NA ANG P667.3-B NA BADYET NG DPWH

NABUNYAG sa publiko na hindi patas ang alokasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa badyet ng bawat distrito para sa susunod na taon.

Nangyari ito nang alamin ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. kay DPWH Secretary Mark Villar kung bakit P2 bilyon ang nakalaan sa kanyang distrito, samantalang kina Speaker Alan Peter Cayetano ay P8 bilyon at Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, Jr. ay P11.8 bilyon.

Mula sa reklamong ito ni Teves, naglabas ng pahayag si Deputy Speaker at Davao City Rep. Paolo Duterte na hihiligin niya sa mga ­kongresistang kabilang sa ­Mindanao Bloc na hilingin sa pamunuan ng Kamara de ­Representantes na ibakante ang posisyon ng speaker at 22 deputy speaker.

Si Duterte ay bagitong mambabatas, ngunit mayroon siyang ‘impluwensya’ at ‘boses’ dahil sa simpleng dahilan na anak siya ng pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Kaya, agresibong kumilos si Cayetano upang matiyak na manatili siyang speaker ng Kamara.

Katunayan, kamakailan, pumunta pa si Cayetano at asawa niyang si Taguig City Rep. Ma. Laarni Cayetano sa Davao City upang personal na makausap si Rep. Duterte.

Isa ito sa mga hakbang ni ­Cayetano upang manatiling pinuno ng Kamara hanggang Hunyo 2022.

Nangangahulugang balewala na ang kasunduang “term – sharing” nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Ang agawan sa pagiging speaker ay bahagi na ng Kamara.

Kaya, hindi ako nagtataka sa agresibong aksyon ni Cayetano.

Ang masama lang sa pangyayaring ito ay natakpan na ang isyu tungkol sa ‘di patas na alokasyon ng perang inalaan ng DPWH sa mga distritong kinakatawan ng bawat kongresista sa Kamara.

Kawawa naman ang distrito ni Teves kung dalawang bilyon lang ang nakalaang badyet sa kanya para sa susunod na taon.

Anu-ano kayang proyektong “hard” at “soft” ang magagawa ni Teves sa kanyang nasasakupan.

Syempre, panalung-panalo sina Cayetano at Villafuerte dahil P8 bilyon at P11.8 bilyon ang kani-kanilang badyet, batay sa pagkakasunod.

Kapag ganito, dapat umunlad at umangat nang husto ang Taguig at Camarines Sur pagkatapos ng 2021.

Kinompronta ni Teves si Villar tungkol sa alokasyon ng DPWH sa badyet ng bawat distrito.

Ngunit, hindi diretsong sinagot ni Villar ang mga tanong ni Teves.

Hindi rin sinagot ni Villar ang mga tanong hinggil sa napakalaking pondo ng mga nasasakupan nina Cayetano at Villafuerte.

Napakahalagang malaman ang totoong kalagayan ng ­hinihinging P667.3 bilyon ng DPWH para sa 2021 dahil nababalot ito sa kontrobersiya.

Ang naturang badyet ng DPWH ay pangalawa sa pinagsamang badyet ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHEd) at Technical Education and Skills Authority (TESDA) na mahigit P754 bilyon.

Napakalayo ng P667.3 bilyon ng DPWH sa P203.1 bilyon ng Department of Health (DOH) at P171.2 bilyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Totoong napakalaki ng perang kailangan ng DPWH para sa pagpapatuloy ng mga proyekto ng ­administrasyong Duterte na ­kasama sa programang Build, Build, Build (BBB) upang ‘mabahagian’ ang mga lalawigan ng ­sinasabing maunlad at angat na ekonomiya ng kalunsuran, partikular na ng mga lungsod ng Metro Manila.

Ngunit, hindi naman dapat ito maging dahilan upang ilagay sa bandang duluhan ang badyet ng kalusugan at ayudang pinansiyal sa mga mahihirap at mga kababayan nating 60 pataas na ang edad.

Ipapaalala ko ang isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson na P531 ­bilyon sa P667.3 bilyon ng DPWH ay mga pondong “inulit” (pinondohan uli) at “lump sum” (walang detalye).

Nagdududa si Lacson sa ganitong itsura ng badyet ng DPWH.

Malalaman natin sa mga susunod na araw kung mababago ang ‘di patas na hatian sa P667.3 bilyong badyet ng DPWH.

Malalaman din natin kung maiwawasto ang mga naulit at walang detalyeng mga pondo.

197

Related posts

Leave a Comment