MAPIPILAY ANG GOBYERNO KAY NO-EL

HINDI na ako magtataka na palagan ang suhestiyon ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo sa Commission on Election (Comelec) na ipagpaliban ang 2022 general election lalo na kapag hindi pa magkakaroon ng bakuna sa COVID-19 pagdating ng halalan.

Una naka-fix ang termino ng mga halal na opisyal ng bayan, una ay sa Presidente hanggang sa pababa sa konsehal ng bayan at siyudad.

Hanggang anim na taon lang manatili sa puwesto ang Pangulo, pangalawang pangulo at senador habang tatlong taon naman mula sa mga congressmen hanggang sa konsehal ng bayan.

Tanging ang mga barangay elections ang puwedeng ipagpaliban sa pamamagitan ng batas na ipapasa sa dalawang Kapulungan ng Kongreso at ipagpapatuloy ng mga barangay officials ang kanilang panunungkulan hanggang sa magkaroon ng panibagong halalan.

Pero ang eleksyon mula konsehal ng bayan at siyudad hanggang sa Presidente ay hindi puwedeng ipagpaliban maliban lamang kung aamyendahan ang 1987 Constitution na nagpako sa fix term ng mga ito.

Magkakaroon lang ng No-election siguro kapag nagkaroon ng giyera pero hindi pa rin puwedeng maipagpatuloy ng mga incumbent officials ang kanilang panunungkulan.

Pangalawa, hindi puwedeng idahilan ang pandemya sa ­COVID-19 para ipagpaliban ang halalan dahil sa ibang bansa na mas malala ang COVID-19 cases ay tuloy ang kanilang halalan.

Magkakaroon ng presidential elections ang Amerika sa November 3 kahit sila ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 at pinakamarami ding casualty sa virus na ito na nagsimula sa China.

Sa kasagsagan din ng ­COVID-19 sa South Korea, itinuloy nila ang eleksyon at dinagsa ng South Korean ang mga poll precint para lang bumoto. Mahigit 38 bansa na ang nagsagawa ng eleksyon kahit may pandemya.

Dahil dyan, lalong walang dahilan ang Pilipinas na ipagpaliban ang 2022 presidential at local elections lalo na’t kapag nag organisa naman ng event ang gobyerno, sangkaterbang tao ang kanilang hinahakot.

Tingnan mo ang dolomite event. Sa kagustuhan ng gobyerno na ipakita na maganda ang kanilang proyekto ay binuksan nila ito sa mga tao. Hindi lang mga bata kundi matatanda ang dumagsa sa Manila Bay.

Ika nga sa kasabihan, kung gusto may paraan, kung ayaw marami ang dahilan.

Buti naman hindi kinagat ng Comelec ang ideyang ito ni Cong. Arroyo dahil magkakaroon ng ­constitutional crisis na hindi puwedeng mangyari sa gitna ng ­pandemyang kinakaharap natin.

At sino ang mamumuno sa bansa kapag naipagpaliban ang halalan? Kukuha sa mga barangay officials dahil sila lamang ang halal ng bayan na legal na ihinalal ng bayan na nakapuwesto? Kukuha sa natitirang 12 senador na hanggang sa 2025 ang termino para pamunuan ang bansa?

Walang magtitimon sa gobyerno kapag nagkaroon ng no-election. Ang maiiwan lang sa puwesto ay ang 12 senador at mahigit 42,000 barangay captains dahil mula presidente ay tapos ang kanilang termino sa Hunyo 30, 2022.

Mawawala rin ang House of Representatives (HOR) dahil lahat ng mga congressmen ay matatapos din ang termino sa Hunyo 30, 2022.

Mawawala ang lahat ng miyembro ng Gabinete dahil co-terminus sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang appointing officer kaya mapipilay ang gobyerno.

Ikatlo, marami na ang naiinip. Gusto ng magkaroon ng bagong gobyerno!

186

Related posts

Leave a Comment