IPINAALALA ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na dapat mabigyan o magtayo sa bawat komunidad ng ligtas at tamang evacuation center sa buong bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Go na kailangan ito dahil palaging dinadalaw ang Pilipinas ng mga bagyo kabilang ang iba pang kalamidad at maiwasan ang hawahan ng sakit sa gitna ng ating laban sa corona virus 2019 (COVID-19).
“Dapat matiyak na COVID-19 ready at disaster resilient ang mga pasilidad sa evacuation centers,” ayon kay Go.
Idiniin pa ni Go na dapat umaksyon kaagad ang local government units o kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at huwag nang hintayin pa na mangyari ang kinatatakutang sabay-sabay na kalamidad at pagtaas ng bilang ng positibo sa COVID-19.
“Hindi dapat pahirapan ang mga kababayan natin na mahihirap na sanhi ng krisis at sakuna, kailangan magmalasakit sa kanilang kalagayan at alagaan sila lalo sa panahon na walang-wala na sila,” ayon kay Go.
Inihayag din ni Go na ngayong panahon ng mga bagyo, inaasahan nang marami na naman ang masasalanta at mangangailangang lumikas habang nananatili ang banta ng COVID-19.
Hiniling din ni Go na magtakda ng guidelines at health protocols na makababawas sa posibleng pagkalat ng COVID-19 sa mga evacuation center.
“Ito ang pangunahing dahilan kaya ating isinusulong ang Senate Bill No. 1228 o ang Mandatory Evacuation Center Act upang magkaroon ng permanent at dedicated evacuation center sa bawat lungsod, bayan at probinsiya sa buong bansa,” aniya. (ESTONG REYES)
210 