UMAKYAT sa 200% ang growth rate ng COVID-19 cases sa Metro Manila at kabilang ito sa mga dahilan kung bakit may ilang lugar ang isinailalim sa quarantine classification.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang growth rate at average daily attack rate ay ang factors na kinonsidera ng pamahalaan para sa quarantine classifications.
“Kinukumpara ‘yung figures every two weeks. ‘Yung daily attack rate po, ilan ang nagkaroon per 100,000. At ‘yung growth rate, gaano kabilis nag-doble din ‘yung mga kaso,” ayon kay Sec. Roque.
“Mataas pa. Ibig sabihin po niyan, medyo ang ating (Metro Manila) growth rate ay nasa high,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Aniya, ang growth rate na pumalo sa mahigit 200% ay kinukonsiderang mataas; ang less than 200% ay “moderate,” habang ang 0% ay mababa.
Aniya, ang growth rate at average daily attack rate sa Metro Manila ay nasa moderate level.
“Kung ang average daily attack rate ay less than 1 pero ang growth rate ay 200%, magiging GCQ ‘yan.
Kung ang average daily attack rate ay less than 1 at nasa 0 to 200% ang growth rate, ‘yan ay MGCQ,” paliwanag ni Sec. Roque.
“Kung wala talagang kaso, ‘yan po ay minimal o ‘yung tinatawag na new normal,” aniya pa rin.
Nauna nang iminungkahi ng Metro Manila mayors at eksperto mula sa University of the Philippines-OCTA Research team ang ekstensyon ng GCQ sa buong capital region upang mapanatili ang positibong natamo ng pamahalaan laban sa COVID-19. (CHRISTIAN DALE)
293
