PINAGPAPALIWANAG ng Department of Justice (DOJ) ang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) hinggil sa ulat ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa pagkamatay ng ilang persons deprived of liberty (PDLs) dahil umano sa coronavirus diseases 19 (COVID-19).
Kinumpirma ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na totoong kailangang magpaliwanag ni BuCor Director General Gerald Bantag upang malinawan ang nakasaad sa ulat ng COA na kawalan ng gamot ng BuCor ang dahilan ng pagkamatay ng mga PDL, kabilang ang siyam na kilalang bilanggo, mula Mayo hanggang Hulyo.
Isa sa mga namatay ay ang 40 taong gulang na si Jaybee Sebastian na kasama sa mga kasong isinampa laban kay Senadora Leila de Lima kaugnay sa bentahan ng ilegal na droga sa National Bilibid Prison (NBP) sa lungsod ng Muntinlupa bago maganap ang halalan noong 2016.
Nakakulong pa rin si De Lima dahil hind pa tapos ang paglilitis ng korte sa kanyang kaso.
Naging kontrobersiyal ang pagkamatay ni Sebastian at walong iba pa dahil magkakasunod silang natigok sa panahong nasa ilalim ng quarantine ang National Capital Region (NCR) dulot ng COVID-19.
Pinaulanan ng mga senador ng kritisismo si Bantag dahil sa pangyayari, ngunit pagkatapos magalit si Bantag sa mga senador abang iniinterbyu ito sa GMA 24 Oras, ay nanahimik ang mga nambatikos na senador na karamihan ay mula sa oposisyon.
Nakasaad sa ulat na dahil sa mabagal na proseso sa pagbili ng BuCor ng mga kinakailangang gamot ay namatay ang PDLs.
Nabanggit din sa sinasabing COA Report na pitong “procurement contract” na P65.53 milyong halaga ng mga gamot ang naibigay noong nakalipas na taon sa mga nanalo sa subastang isinagawa ng BuCor.
Idiniin ni Guevarra na kung mayroon mang pagkaantala sa proseso ng pagbili ng mga gamot ay dapat sanang kumilos agad ang pamunuan ng BuCor upang mabilis na magamot ang PDL.
Aniya, batid ng lahat na ang gamot ay pangalawa sa pagkain na kailangan ng tao para mabuhay, ngunit naipagkait ito sa PDLs. (NELSON S. BADILLA)
171
