TABLADO sa Malakanyang ang panawagan ng isang militanteng grupo na itigil ng gobyerno ang pagpapakulong sa mga quarantine violator at political arrests.
Giit ni Presidential spokesperson Harry Roque, dapat lamang ipatupad ang batas lalo na pagdating sa quarantine violators at political arrest partikular na ngayong patuloy pa rin ang banta ng COVID-19.
Dahil dito, sinabi ni Sec. Roque na kung nais ng ilang militanteng grupo na mahinto ang pag-aresto sa mga nagsasagawa ng pagkilos ngayong panahon ng pandemya, dapat din aniyang itigil ng mga ito ang paglaban sa pamahalaan.
Sa ulat, may panawagan ang grupo ng mga pamilya at kaibigan ng political prisoners na magkaroon ng dayalogo sa mga awtoridad ukol sa pagpapatupad ng hakbang laban sa COVID-19 sa loob ng detention facilities.
Nanawagan si Kapatid spokesperson Fides Lim na itigil na ng pamahalaan ang pagpapakulong sa mga quarantine violator at suspendihin ang political arrests.
Nanawagan din ang grupo para sa COVID-19 testing sa lahat ng bilanggo at gawing regular ang online communication sa pagitan ng persons deprived of liberty (PDLs) at kanilang pamilya sa pamamagitan ng “electronic dalaw”. (CHRISTIAN DALE)
150 