NATUKOY na ang pagkakakilalan ng natagpuang pugot na ulo sa loob ng isang styro box noong Biyernes ng umaga sa Sta. Cruz, Manila.
Ang nasabing pugot na ulo ay kinilalang ang isang 37-anyos na Philippine Navy reservist na unang napaulat na dinukot ng armadong mga lalaki noong Huwebes ng hapon sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief, P/Col. Rolando Balasabas, ang biktimang si Oliver Ignacio, ng Cabrera St., Brgy. San Roque, Navotas City, empleyado ng local government, nakatalga sa Public Safety Management Office, dinukot bandang alas-4:45 ng hapon sa harap ng Navotas City Impounding Area sa C-4 Road, Brgy. BBN ng armadong kalalakihang na nagpanggap na mga pulis.
Sa pahayag sa pulisya ng katrabaho ng biktima na si Edgardo Roxas, 49, nag-uusap sila sa harap ng Impounding Area nang isang itim na Mitsubishi Montero na walang plaka at dalawang motorsiklo ang pumarada malapit sa kanila.
Tatlong armadong lalaki ang bumaba sa sasakyan at isa mga ito ang nagsabi kay Roxas na may warrant of arrest laban kay Ignacio bago sapilitang kinaladkad ang biktima papasok sa Montero saka humarurot patungong Manila area.
Alas-6:00 ng umaga noong Biyernes ng umaga nang matagpuan ng isang tricycle driver ang isang styro box sa kanto ng Florentino Torres at Soler streets sa Sta. Cruz, Manila at nang buksan ay laking gulat nito nang makita sa loob nito ang pugot na ulo ng isang lalaki.
Nakikipag-ugnayan na ang Navotas Police investigators sa Manila Police Homicide investigators para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek na dumukot sa biktima habang inaalam pa ang motibo sa krimen. (FRANCIS SORIANO)
441 