Itinuturing natin ang mga guro na pangalawang magulang dahil sila ang kasama natin maghapon sa paaralan.
Maghapon pa noong panahon ko ang klase dahil kokonti pa ang mga estudyante.
Naniniwala ako sa sinasabi ng lahat na walang abogado, walang doctor, walang ehinyero, walang professionals kung wala ang mga teachers na nagturo at gumabay sa kanila para maabot nila ang kanilang estado ngayon.
Mayaman ka man o hindi, kailangan mo pa ring mag-aral at dumaan sa mga guro, private school teacher man yan o public school teachers.
Kinakailangan mo pa rin sila para ikaw ay matuto.
Malaki ang naging papel ng mga guro sa ating buhay nakatapos man tayo o hindi dahil sila ang nagturo sa atin na magbasa, magsulat, umunawa na sandata natin habang tayo ay naglalakbay sa mundong ito.
Bukod sa ating mga magulang, sila ang nagturo sa atin na maging ulirang anak, maging mabuting tao, responsableng mamamayan at higit sa lahat ay may takot sa Diyos.
Pero ang mga guro ang isa sa mga dehadong empleyado ng gobyerno at maging sa pribadong sektor.
Hindi kalakihan ang kanilang sinasahod at noong nakaraang taon lang naitaas sa mahigit P20,000 ang sahod ng isang teacher 1.
Ngayong taon, 2020 ay umaabot na sa P22,000 ang sahod ng isang teacher 1 pero maliit pa rin kumpara sa ibang professionals na nagtatrabaho sa gobyerno.
Matagal na nagtiis sa napakaliit na sahod ang mga public teachers pero sa kabila nyan ay hindi nila sinukuan ang pagtuturo at paghulma sa mga kabataan para magkaroon ng pag-asa ang bayan.
Ang balita, mas maliit ang ipinasasahod ng mga private schools sa kanilang mga guro kumpara sa mga katulad nila na nagtuturo sa mga government schools pero sige pa rin sila sa kanilang sinumpaang propesyon.
Noble profession ika nga.
Walang ipinagkaiba ang mga guro sa iba pang professionals sa gobyerno sa pangangailangan dahil tulad ng mga empleyado ay mayroon silang mga anak na dapat pag-aralin pero mas mababa ang kanilang sahod kumpara sa ibang empleyado ng pamahalaan.
Sa katunayan, mas mataas pa nga ang sahod ng mga contractual employees at consultant sa Kongreso kumpara sa sinasahod ng mga public school teachers.
Ganyang kadehado ang mga public school teachers natin.
Kaya bihira sa mga public school teachers ang hindi umaangkat ang buhay. Marami sa kanila ay nakakapagtayo lang ng sariling bahay kapag nagretiro sila gamit ang kanilang retirement benefits.
Nasa dapit hapon na ang kanilang buhay saka lang sila nagkakaroon ng sariling bahay kaya hindi na nila nae-enjoy ang kanilang pinagpawisan.
Gustuhin man nila na magkaroon ng ibang pagkakakitaan, hindi nila magawa dahil ubos na ang oras nila sa pagtuturo at pagdating sa bahay ay gagawa pa sila ng lesson plan.
May ilan ang nagsasa-sideline sa pagtitinda kung ano-ano sa paraalan pero limitado ang kanilang market ay wala pa ring nangyayari sa pagtatangka nilang kumita ng extra.
Alam kong malaking pondo ang kailangang para mabigyan ng maayos na buhay ang mga public school teachers pero sana ay mabigyan sila ng konting pagpapahalaga dahil kung wala sila, wala kayong nakaupo sa gobyerno sa puwesto nyo ngayon.
266 