SINABI ng Malakanyang na nais nitong maipasa ng Kongreso ang P4.5-trillion national budget bago ang Oktubre 14.
Ayaw kasi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng reenacted budget pagsapit ng taong 2021.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kapag naipasa ang national budget ay siguradong mapipirmahan na ito ng pangulo sa Disyembre at magiging epektibo na ito sa Enero.
Napag-alaman na ilalaan ang malaking bahagi ng 2021 national budget sa mga programa na nakatuon sa pag-ahon ng bansa mula sa idinulot na krisis ng COVID-19 pandemic.
Nauna rito, nagpahayag ng pangamba ang economic team ng Pangulo sa magiging kapalaran sa P4.5-trillion budget dahil sa agawan sa kapangyarihan sa mababang kapulungan.
Sa ulat, inakusahan ni incoming House Speaker at Marinduque Representative Lord Allan Velasco si incumbent House Speaker Alan Peter Cayetano na hino-hostage ang 2021 national budget upang mapanatili ang sarili sa puwesto.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Velasco na sa halip na matutukan ng Kamara ang trabaho, natabunan na ng pulitika at drama ang pagtalakay sa panukalang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Velasco, walang ibang pakay ang mga nangyayaring pag-atake at panggugulo sa House of Representatives kundi ang mapanatili ang mga personal na agenda kapalit ng agarang pagpasa sa 2021 national budget.
Kasunod nito, nananawagan si Velasco sa kanyang mga kapwa mambabatas na magpatuloy sa pagtatrabaho at ipasa ang national budget bago ang ika-14 ng Oktubre.
Una nang iginiit ni Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor na kaya nilang maipasa sa ikalawang pagbasa ang panukalang national budget bago mag-recess ang kongreso. (CHRISTIAN DALE)
209 