SINABI ng Inter-Agency Task Force (IATF) na hindi lang dapat nakapokus ang tingin ng John Hopkins University sa cumulative cases o mga nadaragdag na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Reaksyon ito ng IATF sa harap ng pag-akyat na ng Pilipinas sa ika-19 na spot ng mga bansang may pinakamaraming kaso ng coronavirus sa buong mundo.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, masyado kasing naha-higlight ang bilang ng mga nadaragdag at kabuuang kaso ng COVID-19 sa halip na mabigyang diin din sana ang bilang ng mga nakarerekober o gumagaling sa virus.
Hindi rin aniya nabibigyang pansin ang mababang fatality rate na isa sa tinututukan ng pamahalaan.
Ani CabSec Nograles, isa rin sa inaagapan ng gobyerno ay ang mauwi sa severe o critical ang lagay ng isang tinamaan ng COVID-19 kaya’t patuloy ang paalala nito na sundin ang preventive measures laban sa sakit.
Nakasaad sa report ng Johns Hopkins University Coronavirus Resource Center nitong nakalipas na Oktubre 1, na naungusan na ng Pilipinas ang Pakistan sa dami ng coronavirus. (CHRISTIAN DALE)
