PAMALIT SA CAMPUS JOURNALISM ACT OF 1991, INIHAIN SA KAMARA

PANAHON na para sa bagong batas na magtataguyod sa press freedom ng mga estudyante sa mga pampubliko at pribadong paaralan, ayon kay Agusan del Norte (1st District) Rep. Lawrence Fortun.

Isinumite ni Fortun sa Kamara ang kanyang panukalang Student Journalists’ Rights Act of 2020 na naglalayong itakda ang hindi kinayang gawin ng Campus Journalism Act of 1991 or Republic Act 7079.

“Maraming butas ang R.A. 7079. Puro generic ang mga probisyon at hindi klaro kung paano mapipigilan ang pagsupil sa mga karapatan ng student journalists. Layon ng House Bill 7780 na gawing diretsahang tugunan ang mga pagkukulang ng R.A. 7079,” ani Fortun.

“Halimbawa ay ang funding source ng student publications sa public schools. Sa maintenance and operating expenses budget dapat ng paaralan pondohan ang student publications, hindi mula sa savings. Sa ganitong paraan, siguradong may pondong mapagkukunan ang student journalists at kanilang advisers,” dagdag ng mambabatas.

Sa House Bill 7780, 30 araw mula sa simula ng klase, nalipat na dapat ang pondo para sa student publication sa editors ng pahayagan.

Tatlumpung araw din ang taning para mabuo ang editorial board.

Inasinta rin ng HB 7780 ang komposisyon ng editorial board ng student publications, limitadong papel ng faculty adviser, at mga bawal gawin dahil sa censorship.

Nakalista ang mga prohibited acts.

Ipinagbabawal sa HB 7780 ang “prior review” at “prior restraint” ng mga opisyal o guro ng paaralan at dahil diyan hindi kailangan ang clearance o approval ng sinomang opisyal o guro ng eskuwelahan.

Bawal din hadlangan ang student journalists para hindi nila magamit ang mga pasilidad at kagamitan sa kanilang nakatakdang opisina sa kampus.

Bawal hadlangan ng paaralan ang distribusyon ng student publications mula sa labas ng paaralan.

Nakasaad sa panukalang batas na maaaring dumulog sa Department of Education, Commission on Higher Education, o sa korte para sa mga reklamo at kaso tungkol sa campus journalism. (CESAR BARQUILLA)

305

Related posts

Leave a Comment