PULIDONG PLANO SA CLINICAL VACCINE PINATITIYAK

IGINIIT ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang paglalatag ng mga ahensya ng pamahalaan ng isang pulidong plano para sa nalalapit na pagsasagawa ng vaccine trials pangontra sa COVID-19 disease.

Sa kanyang privilege speech, inihayag ni Tolentino ang kanyang pangamba dahil sa magkakaibang pahayag mula sa Department of Science and Technology (DOST), Department of Health (DOH), at Food and Drug Administration (FDA) sa gagawing clinical trials para sa hindi bababa sa anim na bakunang posibleng tuluyang makasugpo sa pandemyang kinakaharap ng buong daigdig.

“Where do the duties, responsibilities, and accountabilities of the DOST, the DOH, and the FDA begin and end?” tanong ni Tolentino.

Ayon sa senador, dapat malinaw kung sino sa mga nabanggit na ahensya ang pangunahing tututok sa gagawing test-run ng mga bakuna kontra COVID-19.

Una nang sinabi ni DOST Secretary Fortunato dela Peña na lumagda ang kanyang ahensya ng “confidential data agreements” or CDA sa limangbansa para sa coronavirus vaccine.

Subalit hugas-kamay naman ang nasabing opisyal nang tanungin sa mga napaulat na nagsulputang COVID-19 vaccines sa black market at kung dumaan ba ito sa tamang proseso.

“This statement is as alarming as it is confusing. This begs the question: who is really in-charge of clinical trials on COVID-19 treatments in the country?” ani Tolentino.

Naguguluhan din ang senador dahil panay anunsyo ang DOH at DOST sa mga umano’y nakatakdang clinical trials sa bansa, subalit taliwas naman ito sa pahayag ng FDA at sinabing wala pang aprubadong aplikasyon para sa pagsasagawa ng test-run ng COVID vaccine.

Bukod sa dapat linawin ang mga pananagutan at reposibilidad ng mga ahensyang may kinalaman sa nalalapit na clinical trials, giniit ni Tolentino ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na plano at koordinasyon sa mga sasalang sa nasabing pagsubok.

Dagdag pa ni Tolentino na chairman ng Senate Committee on Local Governments, dapat magkaroon ang pamahalaan ng malinaw na communication plan upang mabigyang linaw ang mga local government unit (LGU) ang kanilang trabaho sa nalalapit na clinical trials. (NOEL ABUEL)

125

Related posts

Leave a Comment