HANDA ang Senado na maagang magbalik sesyon sa Nobyembre upang tapusin ang pagtalakay sa panukalang 2021 National Budget.
Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na natitiyak niyang lahat ng senador ay papayag sa rekomendasyon ni Senador Panfilo Lacson na mag-resume ng sesyon bago ang Nobyembre 16 upang matalakay nila ang panukala.
Sinabi ni Sotto na kung maibibigay na ng Kamara ang General Appropriations Bill sa kanila sa October 16 or 17 ay mapag-aaralan na ng mga senador ang panukala at agad nang masisimulan ang interpelasyon sa pagbabalik ng kanilang sesyon.
Sa legislative calendar ng Kongreso, magsususpinde ng sesyon sa October 16 at babalik sa November 16.
Subalit sa rekomendasyon ni Lacson, kung naisumite na agad ang General Appropriations Bill sa Senado ay maaari na silang magbalik sesyon bago ang November 16.
Iginiit ni Sotto na kung masusunod ang kalendaryo ay tiyak na hindi magiging reenacted ang budget sa 2021.(DANG SAMSON-GARCIA)
459
