9M MARALITANG PINOY TARGET MAREHISTRO NG PSA

TARGET ng Philippine Statistics Authority (PSA) na i-encode sa Philippine Identification System (PhilSys) ang 9 milyong maralitang Pinoy sa loob ng isang taon upang tiyakin na magiging prayoridad ang mga ito sa ilalabas na National ID na magsisilbi ring instrumento para sa madaling pagkakaloob ng tulong ng pamahalaan lalo na sa panahon ng kalamidad.

Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Dennis Engina, PSA registration team leader, plano ng pamahalaan na gawing prayoridad ang mga pamilyang matinding nangangailangan ng tulong lalo na’t may pandemic na hinaharap ang Pilipinas.

Magsisimula ang pre-registration sa Metro Manila, gayundin sa 32 lalawigan sa unang quarter ng 2021.

Walang gastos na papasanin ang mga Filipino para sa nasabing National ID na pinaglaanan ng national government ng P27.8 billion sa layuning i-register ang 92 milyong Filipino sa taong 2022.

Ang National ID ay tahasang sinasalungat ng Makabayan bloc sa Kongreso at maging ng mga militantneg organisasyon dahil tahasan umano nitong lalabagin ang karapatang pantao at hindi masisiguro na hindi malalabag ang privacy ng bawat indibidwal.

Para naman sa Philippine National Police (PNP), walang dapat ikatakot sa nasabing ID system kung walang itinatago ang isang indibidwal.

Sinimulan na ng ahensya na kolektahin ang ilang personal information ng mahihirap na pamilya mula sa 30 probinsya na gagamitin sa pre-registration ng Philsys sa tulong ng kapulisan. (JESSE KABEL)

162

Related posts

Leave a Comment