HINDI na maitatayo ang daan-daang milyong piso na Kapitolyo at sports complex na ambisyon ni Camarines Sur Rep. Luis Raymond “LRay” Villafuerte sa kanyang lalawigan sa Camarines Sur matapos itong burahin sa 2021 national budget.
Ito ang nabatid sa isang mapagkakatiwaliang impormante sa mababang kapulungan ng Kongreso kaugnay ng P11.8 billion pondo umano ni Villafuerte sa kanyang lalawigan na isa sa mga dahilan kung bakit nagtampo ang maraming congressmen kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
“May mga project pa rin naman ang Camarines Sur pero yung mga sobra-sobrang budget ni LRay mabubura na ‘yun,” ayon sa impormante sa Kamara na hindi na nagpabanggit ng pangalan.
Kabilang sa binadyetan umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Camarines Sur kung saan anak ni Villafuerte ang governor ay ang halos P500 million na ipagagawang Kapitolyo.
Bukod dito, nabura rin umano sa P4.506 Trillion budget ng gobyerno sa 2021 ang P250 million para sa sports complex na nais ipatayo ng mga Villafuerte sa kanilang lalawigan.
Magugunita na nagkaroon ng hidwaan sa Kamara nang usisain ni Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves kung totoo ang impormasyon na P11.8 billion ang budget ng Camarines Sur ni Villafuerte habang P8 billion naman sa Taguig City ni Cayetano.
Naging ugat ito ng away nina Teves at Villafuerte na naging dahilan para magreklamo rin ang ibang mambabatas na nagpalala sa agawan nina Cayetano at House Speaker Lord Allan Velasco sa liderato ng Kamara.
Kamakailan ay sinabi ni Cebu City Rep. Rodrigo Abellanosa na ang hindi pantay na distribusyon ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, ang nagpagsak sa kay Cayetano.
Tulad ni Teves, nagrereklamo si Abellanosa dahil ang pondo para sa kapitolyo at sports complex ng Camarines Sur ay kahit kasing halaga lang ng proyektong ibinigay ng DPWH sa Cebu City gayung malaki ang kontribusyon ng siyudad sa ekonomiya ng bansa.
Walang impormasyon kung maging ang pondo ni Cayetano sa Taguig-Pateros ay ginalaw o inalis din ng Kamara sa kanilang ipinasang budget noong Biyernes ng gabi sa botong 257 pasbor, 6 kontra at 0 abstention.
Abante ‘sumakabilang-bakod’
Samantala, nawalan ng ‘ulo’ ang minorya sa mababang kapulungan ng Kongreso matapos magbitiw bilang Minority Leader si Manila 6th District Congressman Bienvenido Abante.
Bago naghiwa-hiwalay ang mga kongresista matapos ipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 7727 o General Appropriation Bill (GAB) noong Biyernes ng gabi ay nagbitiw si Abante para sumama kay House Speaker Lord Allan Jay Velasco.
“And there is no better symbol of this trust than an expression of intent to join the majority so I could be more proactive in providing urgently-needed legislation and congressional insight,” ani Abante kasabay ng pagsasabing “Ako po ngayon ay sasama sa majority”.
Si Abante ay naging lider ng House minority bloc mula noong Hulyo 2019 o sa nakaraang 15 buwan ng 18th Congress habang si Cayetano ang Speaker.
Hanggang kahapon ay hindi pa nakapagpapasya ang mga dating kasamahan ni Abante kung sino sa kanila ang papalit at mamumuno sa oposisyon sa Kapulungan. (BERNARD TAGUINOD)
170 