ILALABAS na ng mababang kapulungan ng Kongreso ang kanilang sentensya sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong araw.
Ito ang inanunsyo ni House committee on accounts chairman at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na nanguna sa imbestigasyon katuwang ang House committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvaro.
Ayon kay Defensor, magsasagawa ang mga ito ng huling pulong ngayong araw upang ilatag ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa katiwalian sa PhilHealth at saka pagbobotohan.
Hindi nagbigay ng advance information si Defensor ukol sa resulta ng kanilang imbestigasyon subalit kabilang sa inaasahang irerekomenda ay ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa katiwalian sa nasabing state health firm.
Subalit, ayon kay House deputy minority leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, umaasa ito na kabilang sa irerekomenda ng komite ang pagsasampa ng kaso laban kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque.
“We also expect that the joint committee will recommend filing of charges. True, there are already charges filed by National Bureau of Investigation (NBI) based on finding on its own investigation and also the finding of the Senates, ang panawagan namin it should not stop dun kay General (Ricardo) Morales,” ani Zarate.
“Dapat masama sa kasong ito ‘yung mga miyembro ng board chaired by no less than Secretary Duque. Bakit napakaano ni Secretary Duque rito….parang pinagpalang nilalang. Sa lahat ng mga kaso siya ay laging nalilibre,” ayon pa kay Zarate.
Mula noong 2013 nang magkaroon umano ng sindikato sa PhilHealth ay dalawang beses naging Health secretary si Duque at dalawang beses naging chairman of the board ng PhilHealth.
“He cannot escape liability dito sa tingin namin because he is chair of the board. This is not the first time na naging secretary siya at chair of the board at alam niya na puno ng anomalya ang PhilHealth,” saad pa ng mambabatas.
Mayroon din umanong mga lumutang na ebidensya sa pagdinig ng komite ni Defensor para masampahan ng plunder ang mga opisyales ng PhilHealth dahil P154 billion ang nawala sa pondo ng mamamayan dahil sa upcasing scheme. (BERNARD TAGUINOD)
177 