NAKUKULANGAN ang mga taga-subaybay ng PUNA sa paglilipat lamang sa pwesto ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (BI-NAIA) na nadadawit sa tinatawag na “Pastillas Scheme”.
Base sa ipinalabas na press release ng BI main office noong Oktubre 16, 2020 si Grifton Medina, hepe ng BI Port Operations Division ng NAIA ay inalis sa kanyang pwesto at inilipat bilang Chief ng Personnel Section.
Si Medina ay pinalitan ni Atty. Candy Tan na dating nakatalaga sa BI Main Office bilang Acting Chief ng BI’s Port Operations Division (POD).
Matatandaan na si Medina ay itinalaga bilang Chief ng BI-POD noong 2018.
Isinagawa ang pagbalasa sa kanila sa Department Order na inisyu ng Department of Justice (DOJ). Ang DOJ kasi ang mother department ng BI at sila ang may administrative control order sa tanggapan.
Hindi kuntento ang mga taga-subaybay ng PUNA sa ginawang aksyon ng DOJ kay Medina. Bakit kamo? Si Medina kasi kasama ang 19 pang opisyal ng BI-NAIA ang itinuturo na nasa likod ng ‘Pastillas Scheme/Group’.
Mismong si Immigration Officer Allison Chiong, ang kumanta sa Senate inquiries kamakailan at nagsumbong sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng modus ng grupo.
Ang grupong ito ang dahilan ng pagdami ng Chinese national sa bansa na nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Nakapapasok ang mga tsekwang ito sa Pilipinas kahit kulang-kulang ang kanilang mga dokumento sa pamamagitan ng ‘Pastillas Scheme/Group’ kapalit ang malaking halaga na nakabalot sa papel na mistulang Pastillas.
Ikinanta rin ni Chiong na ang grupo ay may viber group, pero kalaunan ay inalis nila matapos matunugan ng NBI. Linggo-linggo raw may biyakan ng pera, ang mga miyembro ng grupo kaya nagkakamal sa pera ang mga ito.
Kamakailan inirekomenda ng NBI sa Office of the Ombudsman na kasuhan ng katiwalian (graft) sina Medina at labing walo (18) pang opisyal ng BI-NAIA.
Ang tanong ngayon kung uusad ba ang mga kasong ito? Baka raw mapunta sa ‘parking fee’ ng Ombudsman? May mga info kasi na ang malalaking kaso sa Ombudsman ay ipinaparada.
Kaya naman hindi kumbinsido ang taga-subaybay ng PUNA sa ginawang paglilipat lamang ng DOJ sa pwesto kay Medina.
Ayon sa kanila, sana suspendihin na si Medina sa kanyang trabaho habang dinidinig ang kaso sa Office of the Ombudsman para hindi nito maimpluwensiyahan ang pagdinig.
Dapat isailalim din daw sa lifestyle check ang labing siyam (19) na immigration officers na ito na kinasuhan sa Ombudsman at kung may makita ang gobyernong yaman ng mga ito ay kumpiskahin na.
Marami kasi tayong natanggap na impormasyon na maraming ordinaryong empleyado ng BI na yumayaman. Bakit? Partikular daw ang mga nakatalaga sa mga International Airport at may kinalaman sa operasyon laban sa mga dayuhan (alien).
Alam na kung bakit sila yumayaman.
Hindi lang banta sa seguridad ng bansa ang pagdami ng mga dayuhan, kundi kaagaw pa sila sa trabaho ng mga Pinoy.
Hindi naman negosyo ang pakay ng mga dayuhang ito lalo na ang tsekwa kundi trabaho rin.
Kaya kaagaw sila ng mga Pinoy sa trabaho dito sa sarili nating bansa.
Kaya hiling nila gamitan ng kamay na bakal ang mga opisyal ng gobyerno na kurap.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang Pangulong Rodrigo Duterte ay galit sa mga taong gobyerno na nasasangkot sa katiwalian.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
195 